Vilma at Roderick, inamin ang dating away dahil kay Maricel

ABS-CBN News

Posted at Oct 26 2017 01:06 PM

MANILA -- Sa bihirang pagkakataon, binalikan ni Vilma Santos at kaibigan nito na si Roderick Paulate ang dati nilang away dahil kay Maricel Soriano.
 
Nitong Huwebes, pagkatapos ng halos dalawang taon, muling nagkasama si Vilma at Roderick sa pagbisita nila sa "Magandang Buhay."

Sa tagal nang kanilang pagkakaibigan, napaamin ang dalawa na may pagkakataong nag-away din sila.

Anila, umabot sa higit isang taon na hindi sila nag-usap dahil sa isang pagtatalo na may kinalaman kay Maricel na kaibigan din nila.

"There was a fair or performance na parang mas kinampihan niya si Maria. Kinonfront ko siya. 'Sino ba talaga ang gusto mo? Sino ba talaga, Dick?'" kuwento ni Vilma.

"Talagang nagsigawan kami. 'Bakit ka ganyan? Napaka-insecure mo. Ganito, ganyan lang naman 'yon. (Sabi ko,) 'Di ako naniniwala sa iyo.' Basta nag-away kami. More than a year hindi kami nag-usap," pagbabalik-tanaw ni Vilma.

Ayon kay Roderick, siya ang unang gumawa ng paraan para matapos na ang away nila ni Vilma.

"Hindi ito magre-reach out sa akin, ang tapang nito. ... Alam mo ba nagtiis ako ng tatlong oras na ipasok sa karton. Kasi birthday niya sa Araneta Coliseum, ikinulong ako (sa karton) kasi kailangan di makita ni Vilma. Dinala 'yung box sa Araneta. Tinanong niya, 'Ano ito?' Tapos binuksan, ako na ang lumabas," dagdag ni Roderick na ibinahagi rin ang awit na "Nothing's Gonna Change My Love For You" para kay Vilma.

"Ginawa ko 'yon sa TV. Kinantahan ko siya tapos nagyakapan kami doon. Hindi ko tinapos doon kasi show 'yon. Bumaba ako nagpunta ako ng dressing room niya, tapos nag-sorry ako sa kanya," dagdag ni Roderick.

Para kay Vilma hindi niya matatawaran ang pagkakaibigan na mayroon sila ni Roderick kahit hindi sila madalas na magkita.

Para sa nalalapit na kaarawan ng aktres, binigyan naman ni Roderick ang kaibigan ng panyo at bracelet.

"Yung isang regalo panyo 'yon para may pang-punas siya. Ito (bracelet) parang renewal of our friendship. Gusto ko [isuot] mo lang 'yan," ani Roderick.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.