SILIPIN: Mga pelikulang pasok sa 15th Cinema One Originals Film Festival

Ganiel Krishnan, ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2019 08:34 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Pambihira ang mga pelikulang kabilang sa ika-15 edisyon ng Cinema One Originals Film Festival dahil sa mga bigating tema at pangalang bibida ngayong taon. 

Magtatagisan ang 8 kalahok sa film fest na tiyak tatatak sa mga manonood. 

Kabilang dito ang pelikulang pagsasamahan nina JM de Guzman at Alessandra de Rossi na "Lucid," na tungkol sa babaeng kontrolado ang kaniyang panaginip. 

"Masaya kasi 'yung character, ang sarap pag-eksperimentuhan 'yung nuance kasi hindi siya reality and it's fantasy," sabi ni De Guzman. 

Nagbabalik naman sa aktingan si Regine Velasquez-Alcasid sa "Yours Truly, Shirley." Gaganap siya bilang babaeng biyuda na magkakagusto sa isang binata na gagampanan ni Hashtag member Rayt Carreon.
    
"We're all very excited. I think maganda 'yung mix ng genre that we have in Cinema One Originals," sabi ni Songbird.

Tungkol naman sa pakikipag-relasyon ang "Tayo Muna Habang Hindi Pa Tayo" nina Jane Oineza at JC Santos.

"It's a feel good film. Rom-com siya pero siyempre may kaunting kirot dahil 'yung topic natin is about walang commitment, walang label," sabi ni Oineza. 

Hindi rin papahuli ang pelikulang "Sila-Sila" na sumasalamin sa buhay ng LGBTQ community. 

"To have 2 gay actors play the role of 2 gay characters and just to see how delicate and at the same time how chaotic homosexual relationship can be," sabi ng aktor na si Gio Gahol.

Action at suspense naman ang pelikulang "Utopia" nina Joem Bascon at Arron Villaflor.

Katatakutan naman ang horror movie nina Cherie Gil at Jana Agoncillo na "Tia Madre."
    
Pero ang kinatakutan umano ni Agoncillo ay ang pagharap sa beteranang aktres.

"Natakot po ako nung una pero 'yung nga sumunod mabait naman po pala siya," pagbabahagi ng aktres.

Black comedy naman ang pelikulang "O" nina Anna Luna, Lauren Young, Sarah Carlos, at Jasmine Curtis

Aabangan din ang "Metamorphosis" kung saan bida ang isang binatilyong ipinanganak na parehong mayroong ari ng babae at lalaki.
    
Mapapanuod ang 8 entry ng Cinema One Originals sa ilang sinehan simula Nobyembre 7 hanggang 17.

    

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.