PANOORIN: ‘Squid Game’-themed Halloween party sa bahay nina Angel Locsin, Neil Arce

ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2021 10:08 PM

Angel Locsin IG
Mula sa Instagram ni Angel Locsin

Sa bahay man ipagdiriwang ang Halloween ngayong taon, level up naman ang ginawang paghahanda ng mag-asawang Angel Locsin at Neil Arce na ginawang “Squid Game” venue ang kanilang tahanan.

Sa kanilang bagong vlog, nagmistulang set ng hit Korean thriller na “Squid Game” ang bahay nina Locsin at Arce dahil sa pakulo nilang inihanda para sa mga piling kaibigan. 

Ayon sa aktres, isa sa mga paborito nilang okasyon sa taon ay ang Halloween dahil nagiging maabilidad ang mga tao sa kani-kaniyang costumes. 

“Isa sa pinaka gusto ko ’yung nagbibihis ang community ng ridiculous costumes. Ta’s walang judgment. Kahit may budget ka o wala kang budget. Tumodo ka o hindi, accepted ka,” saad ni Locsin. 

Watch more on iWantTFC

Dahil ito ang unang beses nilang magkasamang magha-Halloween sa iisang bubong, inamin ng mag-asawa na nag-abala talaga sila kagaya na lamang sa costumes na kuhang-kuha mula sa serye. 

Mayroon din silang higanteng “Squid Game” doll na inilagay nila sa kanilang bakuran. 

Apat na malalapit na kaibigan ng 2 ang dumating upang makilahok sa inihandang palaro na mapapanood sa mga susunod na episode sa kanilang YouTube channel. 

Mainit na pinag-usapan ang seryeng “Squid Game” sa buong mundo lalo na sa Pilipinas. 

Isa sa 456 players sa series ay ang South Korea-based Filipino actor na si Christian Lagahit, na dati nang lumalabas sa mga Korean drama. Lumabas si Lagahit sa Episode 4 bilang Player 276.

Bago ang "Squid Game," lumabas din si Lagahit — na isang English teacher sa Korea — sa Korean sci-fi film na "Space Sweepers."

Umabot na rin sa "It's Showtime" ang usapang "Squid Game."