Filmmaker Jowee Morel honored with UP movie marathon

ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2008 05:29 PM | Updated as of Oct 24 2008 01:29 AM

Kasalukuyang ginaganap ang isang movie marathon tampok ang mga likhang-sining ng kontrobersyal na direktor na si Jowee Morel sa UP Diliman Videotheque.

Ito ang ipinahayag ng Programmer ng UP Film Institute at isa sa mga respetadong kasapi ng Young Critics Circle na si Nonoy Lauzon.

Ayon kay Lauzon, matagal na dapat nabigyan ng parangal si Jowee.

“Mali na ang konsepto na ang mga beterano at matatagal na sa larangan ang kailangang bigyan ng tribute o retro. Dapat habang bata pa ang isang artist ay mabigyan na siya ng recognition. Kailan pa bibigyan ng retro ang isan filmmaker, kung nakabaon na siya sa lupa?” tanong ni Lauzon. Kaya hindi tumigil si Nonoy para bigyan ng parangal si Morel. “Marami na siyang body of work na maipagmamalaki. Kailangang mapanood ng mga tao ang kanyang trabaho,” katwiran ni Nonoy.

Kabilang sa mga itatanghal ang mga nauna nang trabaho ni Jowee tulad ng “Mga Paru-Parong Rosas (Pink Butterflies)” na na-X ng Movie and Television Review and Classification Board noong 2006 pero ipinalabas sa London International Film Festival kung saan ito hinangaan; “When A Gay Man Loves,” isang dokyumentaryo tungkol sa kultura ng kabaklaan sa Pilipinas; “Latak” ng Outline Films na ipinalabas kamakailan nang dalawang beses sa UPFI Cine Adarna.

Gayunman, ang pinananabikan ng publiko na mapanood sa mga likha ni Morel ay ang kanyang katatapos lang na dokyumentaryo na tungkol sa kanyang personal at propesyunal na kasaysayan, ang “Moving Dreams.”

“Nadiskubre ko po sa cabinet ko na may mga file footage ako ng mga interview sa akin since I started doing movies. Like sa ‘Mga Paru-Parong Rosas,’ may interview ako sa sarili ko and I talked about my experiences when I was doing the controversial film.

“I also did a minor film, ‘yong ‘Ezy To Love.’ May mga behind-the-scenes din ako rito. Pati ‘yong unedited version ko ng ‘Mga Anino sa Salamin’ at ‘Mona Singapore Escort.’

“Kaya lang, just yesterday, I realized grabe ang revelation ko dito sa ‘Moving Dreams.’ Katakot ipalabas pero I hope maging inspirational ito para sa marami,” pahayag ni Morel.

Walang takot na nagkomento si Jowee sa sitwasyon at sa mga tao ng industriya ng pelikulang Pilipino.
“I revealed my innermost thoughts in the documentary kaya natatakot ako pero I hope people will perceive them as something to learn from,” sabi ni Morel.

Magtatagal ang movie marathon hanggang sa ika-31 ng Oktubre.