Sarah Geronimo, may payo kay 'Idol PH' champ Zephanie

ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2019 11:46 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Nagbigay ng payo si Sarah Geronimo sa kampeon ng "Idol Philippines" na si Zephanie Dimaranan.

Sa "Magandang Buhay" nitong Martes, nagbalik-tanaw si Sarah at Zephanie sa naging pagsasama nila sa "The Voice Kids" noong 2015, kung saan naging coach ni Zephanie si Sarah.

Ayon kay Zephanie, inspirasyon niya si Sarah at hindi rin daw niya makakalimutan ang mga aral na natutunan niya sa kanyang idolo.

"Sobra siyang down to earth at iidolohin ng mga gustong marating or ma-achieve ang mga na-achieve ni Ate Sarah. Maiisip niyo na gusto kong maging siya someday," ani Zephanie na itinatago pa rin ang kuwintas mula kay Sarah nang makapasok siya sa Team Sarah sa "The Voice Kids."

"Yung advice sa akin nung sa 'The Voice' pa lang na kung 'di niyo pa time ngayon ay huwag kayong susuko. 'Yung mag-wait ka lang sa tamang panahon. Bata pa kami noon at huwag kaming susuko at gawin lang namin 'yung best namin at hintayin 'yung tamang time na ibibigay ni Lord. May tamang time para sa bawat gusto natin," dagdag na kuwento ni Zephanie.

Sa kanya namang mensahe, nagpasalamat si Sarah kay Zephanie sa pagbibigay nito ng inspirasyon sa maraming tao at maging sa kaniya.

"Maraming salamat Zeph sa inspirasyon. Truly 'yun 'yung parang reminder kung saan ako nagmula at kung paano ako naghintay sa tamang panahon. Reminder kayo. Maraming, maraming salamat sa inspirasyon. Nakuha mo na ang pinangarap mo, panghawakan mo pero huwag masyado mahigpit. Kailangan balanse. Balanse ang oras mo para sa pamilya mo. At the end of it all, ang sarili mo dapat mahal mo, kaya unahin mo rin 'yan ha," ani Sarah.

"Sobra akong proud ako para sa iyo Zephanie. Saka hindi ka mahihirapan na maging proud para sa kanya kasi kitang kita ang husay niya, hindi ba? 'Yung humility ng batang ito, so tuloy-tuloy mo lang Zeph," dagdag pa ni Sarah.

Sa huli, labis ang pasasalamat ni Zephanie kay Sarah sa pagpayag nito na maging parte ng kanyang concert sa darating na Nobyembre 28 sa New Frontier Theater.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.