Marjorie idinetalye ang gulo nila ni Gretchen sa burol ng ama

ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2019 10:22 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Binasag ngayong Martes ni Marjorie Barretto ang kaniyang katahimikan para linawin ang umano ay nangyaring gulo sa pagitan niya at ng mga kapatid sa burol ng kanilang amang si Miguel noong nakaraang linggo.

Sa panayam ng ABS-CBN News, inisa-isa ni Marjorie ang mga paratang na ibinato sa kaniya ng kapatid na si Gretchen kaugnay ng gulong nangyari sa burol sa The Heritage Park sa Taguig noong Oktubre 16.

Ayon kay Marjorie, nakarelasyon ng kaniyang pamangking si Nicole ang negosyanteng si Atong Ang.

Limang taon daw naging nobyo ni Nicole si Ang hanggang sa umano ay inagaw ni Gretchen si Ang sa kanilang pamangkin.

Nauna nang itinanggi ni Ang ang mga pahayag ni Marjorie at sinabing business partners lamang niya sina Gretchen at ang partner nitong si Tonyboy Cojuangco, at dati niyang empleyado si Nicole.

Ayon kay Marjorie, bago dumating si Gretchen sa burol ng ama, nakatanggap ng mga mensahe si Nicole at ang ina nito mula kina Ang. 

"[They] said, kung puwede umalis muna sila Nicole at ‘yung mga kapatid niya, dahil parating si Gretchen at si Atong. Bigla na lang lumuha [si Nicole]. Apo siya, e. She had more right in the wake," ani Marjorie. 

Pinayuhan din daw si Nicole ng kampo ni Ang na umalis sa burol "dahil magkakaroon ng gulo." 

Nauna raw dumating si Pangulong Rodrigo Duterte sa burol bago sina Gretchen at Ang, kuwento ni Marjorie.

"Dumating ang Pangulo, he had his moments with my mom and prayer for my father," ani Marjorie.

"On cue ni Claudine, dumating si Gretchen at si Atong. Atong stayed at the end [of the chapel]," dagdag niya.

Inamin ni Marjorie na nainis siya noong mga panahong iyon pero hindi sa dahilang sinasabi ni Gretchen.

"They were claiming na mainit na ulo ko. Hindi lang po ako. ‘Yung pamilya ko po, dahil na-offend kami really about Atong sending our nieces and nephews out of the wake of our father. That’s the tension," aniya.

Kinumpirma rin ni Marjorie na nagtangka si Duterte na pagbatiin sila ni Marjorie pero tinanggihan niya ito.

"Sabi ko, ‘Mr. President, I respect you, I love you, I voted for you, sir. Pasensiya na po. Hindi po kita mapagbibigyan."

"I could see her face. I could see the insincerity in Gretchen. I know her the most," ani Marjorie nang tanungin kung bakit tumanggi siyang makipag-ayos sa kapatid.

Nang tumanggi siyang makipagbati, doon na raw gumawa ng eksena ang isa pa nilang kapatid na si Claudine.

"Claudine says, 'You’re unbelievable!' Tumingin ako, bunsong kapatid. Diyan nag-start ‘yung bastusan, actually," ani Marjorie.

"I said, 'Mr. President, tingnan niyo po 'to. Ito po 'yung totoong pagkatao nila. Nagbabait-baitan lang po sila sa harapan ninyo. I hope you understand,'" aniya.

Nadamay naman sa gulo ang pamangking si Nicole nang tangkain daw nitong pigilan si Gretchen na "hablutin" si Marjorie.

"Nakita ko sa kanan ko, Nicole carried Gretchen, nilipat siya, nilayo sa akin. Because, according to Nicole at mga tao doon, she (Gretchen) was also going to follow to make me hablot. Iyon ang kaguluhan nila doon," ani Marjorie.

Pinayuhan daw ng mga taga-Presidential Security Group si Duterte na umalis dahil sa gulo pero nagpumilit daw itong makausap muna si Marjorie.

"He safely took me away to the farthest couch, habang si Gretchen ang nag-nervous breakdown. She ran after Nicole, pulled Nicole’s hair, kicked Nicole. She beat up my niece," ani Marjorie.

"I wasn’t the one with nervous breakdown. I was sitting quietly with the President on the left side of the chapel, exchanging pleasantries," aniya. 

Sinagot din ni Marjorie ang paratang ni Gretchen na siya ang dahilan kung bakit inatake umano sa puso ang kanilang ama.

"It goes to show that Gretchen does not care about the family at all. My father died of acute respiratory failure. He did not have a heart attack," ani Marjorie.

Inamin din ni Marjorie na si dating Caloocan City mayor Recom Echiverri ang ama ng isa sa kaniyang mga anak.

"Recom Echiverri is the father of my youngest daughter," ani Marjorie.

"Mali po talaga, I fell in love with a married man pero ito na po 'yon eh," dagdag niya.

Nang tanungin kung napapagod na ba siya sa 5 taong bangayan nila ni Gretchen, sabi ni Marjorie: "What Gretchen is doing to me is not only to me. She does this to all her friends, all my friends, family, parents, everything. This evilness has to stop."

"Ako, gusto ko ibalik ‘yung tanong kay Gretchen: Kailan ka ba mapapagod? When will you start healing so you can stop hurting everybody? I pray for healing. I sincerely pray for healing," dagdag niya.

Nakausap ng ABS-CBN News si Ang pero tumanggi muna siyang magkomento sa mga pahayag ni Marjorie.

Sa ipinadala namang statement ni Gretchen, sinabi niyang dati na raw niyang nasagot ang mga paratang ni Marjorie.

Maga-upload din daw si Gretchen ng mga video.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.