Sarah Geronimo, naluha dahil sa mensahe ng kanyang ama

ABS-CBN News

Posted at Oct 21 2019 03:22 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Hindi napigilan ni Sarah Geronimo ang maging emosyonal sa naging pagbisita niya sa "Magandang Buhay" nitong Lunes kung saan nagbigay siya ng mensahe sa kanyang ama na si Delfin Geronimo. 

"Kahit sino, kahit ano ang dumating sa buhay ko hindi magbabago 'yung pagmamahal at pagrespeto ko sa mga magulang ko at sa mga kapatid ko, dahil pamilya ko sila. Number 1 (ang) family," ani Sarah na nagpasalamat sa kanyang mga magulang.

Pero hindi na napigilan ni Sarah ang magpunas ng luha nang marinig niya ang mensahe ng pasasalamat mula sa kanyang ama dahil sa tulong na naibigay niya sa kanilang pamilya.

"Sobra-sobrang pasalamat ako dahil nabigyan niya kami ng magandang buhay. Siyempre magiging maganda ang buhay natin kapag nagtulong-tulong talaga ang pamiya. Siyempre sobrang salamat ako sa pagtitiyaga niya at pagsunod niya sa amin. At hanggang ngayon suportado niya pa rin kami. Si Sarah nandito pa rin. Talagang sobra niya kaming mahal, mga kapatid niya at kaming mga magulang niya," ani Delfin.

Bumisita si Sarah sa "Magandang Buhay" para imbitahan ang publiko na panoorin ang kanyang pelikula na "Unforgettable" na ipapalabas na ngayong Oktubre 23.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.