Kathryn at Daniel, maaaring maging Box Office King and Queen

Jeff Fernando, ABS-CBN News

Posted at Oct 21 2016 01:07 PM | Updated as of May 09 2017 02:29 PM

MANILA - Malaki ang pasasalamat ng tambalang Kathryn Bernardo at Daniel Padilla sa tagumpay ng latest nilang pelikula na "Barcelona: A Love Untold" at sa maraming parangal na natanggap nila sa katatapos lang na Push Awards.

Ayon sa KathNiel, iniaalay nila ang tagumpay sa kanilang mga fans na walang sawang sumusuporta sa kanila.

"Ang gusto kong pasalamatan 'yung KathNiel [fans]. Kailan lang, naisip ko na kahit saan sinusundan nila kami. Kahapon lang nagkita tayo, tapos ngayon ulit," ani Daniel.

"Thank you, thank you lalo 'yung mga dito at sa international screenings, grabe ang ipinakita nilang suporta. Maraming salamat," ani Kathryn.

Si Daniel, hindi nakalimutan na bigyang halaga ang tagumpay na natatamo ng kanyang ina na si Karla Estrada, na tumanggap din ng parangal bilang Most Popular Celebrity Mom.

"Deserve niya 'yon, rock and roll ang nanay ko. Sayang 'yung tatay ko ay walang award, pero magkakaroon din 'yon," aniya.

Dahil sa kinita ng latest KathNiel movie, marami ang nagsasabi na malaki ang tsansa na igawad kay Daniel at Kathryn ang Box Office King and Queen.

"Pwede talaga manalo ng award, na alam mong maganda ang project mo at masaya ka sa nagawa mong performance. Pero kung mangyari 'yon, siyempre ang saya noon para sa amin ni DJ," ani Kathryn.

Pinaghahandaan na rin ngayon nina Daniel at Kathryn ang kanilang bakasyon ngayong Christmas break. 

Maganda ang taong 2016 para sa KathNiel at ipinagpapasalamat nila ito sa lahat ng mga sumusuporta.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.