MAYNILA -- Inihanda na ng batikang aktor at dating pangulong Joseph Estrada ang kanyang magiging libingan.
Sa unang pagkakataon, sa kanyang vlog na inilabas nitong Sabado, Oktubre 17, eksklusibong ipinakita sa publiko ng anak ni Estrada na si Jinggoy Estrada ang ipinatayong puntod ng ama sa loob ng kanilang rest house sa Tanay, Rizal.
Ibinahagi rin ni Jinggoy kung ano ang mga makikita sa loob ng Joseph Ejercito Estrada Museum and Archives.
"Believe it or not, mayroon akong ipapakita sa inyo. Maniwala kayo o hindi. Hindi ko alam, pati ako nagulat kung bakit siya nagpatayo. First time niyo lang makikita ito sa aking vlog," ani Jinggoy bago ipakita ang video kung saan makikita ang mukha at paboritong kasabihan ng ama na nasa gilid ng puntod.
"Mukha ng tatay ko, ang kanyang paboritong sinasabi lagi tuwing magtatapos siya ng kanyang talumpati 'Walang Tutulong sa Pilipino Kung Hindi Kapwa Pilipino.' Ito ipapakita ko sa inyo. Noong nakita ko ito, tinanong ko, 'Bakit ka nagpagawa nito? Buhay na buhay ka pa Dad?' Ito ang ipinagawa ng tatay ko, saka-sakaling may mangyari sa kanya, gusto niya dito raw siya," ani Jinggoy.
Ayon kay Jinggoy, pinili ng ama niya na sa Tanay ipagawa ang sariling libingan dahil dito siya nakulong o sumailalim sa house arrest ng apat na taon.
"Kasi nung nakulong siya dito, ito ang kanyang paboritong lugar, itong batong ito na parang silya. Dito siya lagi umuupo at dito siya nagme-meditate at dito siya nagdarasal. Dito sa tabi ng puno, dito siya laging nakaupo," ani Jinggoy.
Kuwento ni Jinggoy, nabili ng kanyang ama ang rest house nila sa Tanay noong kasakitan nito sa showbiz noong 1971.
Nagsimula ang pagiging aktor ni Estrada noong dekada '50. Unang pelikula niya ang "Kandilang Bakal' na inilabas noog 1957. Taong 2009 ay ginawa niya ang kanyang huling pelikula na "Ang Tanging Pamilya" sa ilalim ng Star Cinema ng ABS-CBN.
Bilang aktor ay nakagawa ng higit 200 pelikula si Estrada kung saan nakasama niya ang ilan sa pinakasikat na mga aktor sa bansa tulad nina Nora Aunor, Vilma Santos, Dolphy at Fernando Poe Jr..
Nagsimula ang pagpasok ni Estrada sa politika nang maging alkalde siya ng San Juan noong 1969.
Related videos:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.