TNT Boys nag-share ng blessings sa Bantay Bata 163

ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2018 07:51 PM | Updated as of Oct 18 2018 08:37 PM

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by Reyma Buan Deveza (@reymabd) on

Sa kabila ng pamamayagpag ng kanilang karera, hindi nakalilimot na magbahagi ng blessings sa iba ang TNT Boys, na nag-donate ng P50,000 sa Bantay Bata 163.

Ibinigay nina Kiefer Sanchez, Mackie Empuerto, at Francis Concepcion ang donasyon nitong Huwebes sa press conference para sa kanilang nalalapit na concert sa Araneta Coliseum.

"Kaya po kami nag-donate sa Bantay Bata 163 kasi gusto po naming i-share ang blessings namin sa mga batang kaparehas naming nangangarap," sabi ni Empuerto.

Watch more in iWant or TFC.tv

Dumalo sa turnover ng donasyon si Bantay Bata program director Ging Castañeda at ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation, Inc. managing director Susan Afan.

Ang Bantay Bata 163 ang programa ng Lingkod Kapamilya na layong protektahan ang mga bata mula sa mga kapos na pamilya at mga batang biktima ng pang-aabuso.

Nagpasalamat naman si Castañeda sa tatlong batang mang-aawit, na aniya'y nagsisilbing inspirasyon para sa ibang mga nangangarap na kabataan.

"Maraming salamat sa TNT Boys. Salamat sa inyong donasyon at higit sa lahat ay sa inyong pagiging huwaran sa ating kabataan ngayon," ani Castañeda.

"Nagbibigay kayo ng pag-asa para sa mga kabataan na nangangarap na marating ang mas mataas at magandang hinaharap hindi lang para sa kanilang mga sarili, kung hindi para sa kanilang mga magulang. So kayo ang simbolo ngayon ng bagong kabataan." 

Dagdag pa ni Castañeda, napili ang TNT Boys sa pag-awit ng bagong theme song ng Bantay Bata 163.

Unang beses daw na iparirinig ang theme song sa Araneta concert ng trio, na nakatakda sa Nobyembre 30.

Nagtaghal kamakailan ang TNT Boys sa President's Charity Ball sa Singapore.

Tutulak naman sila patungong Amerika para mag-compete sa isang international talent competition.

--Ulat nina Reyma Buan-Deveza at MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.