Xander Ford, hiling ang second chance matapos ang pamimintas kay Kathryn

ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2017 07:06 PM

Umamin ang social media personality na si Xander Ford na siya ang namintas kay Kathryn Bernardo sa isang kontrobersyal na viral video.

Martes ng gabi, inako ni Xander ang responsibilidad nang aminin nitong siya ang lalaki sa video na pumuna sa umano'y pagiging "sakang" ng aktres.

Una nang itinanggi ng kampo ni Xander na siya ang nasa kumalat na recording.

Abot-abot din ang kaniyang paghingi ng tawad kay Kathryn.

Naging emosyonal si Xander sa kaniyang pagbunyag na dumaan siya sa depresyon dahil sa mga buwelta sa kaniya sa social media.

Bukod kasi sa mga pagbabanta sa kaniyang buhay, masakit umano ang mga patama sa kaniya ng ilang nasa industriya. 

Umapela si Xander na huwag na siyang husgahan sa mga pagkakamali niya dahil nagbabagong buhay na siya.

Nauna ng iginiit ni Kathryn na ang mga panlalait ay may itinuturong leksyon sa bawat tao. 

Sa harap ng mga bantang mayroon pang mga video na ibabahagi laban sa kaniya, nakikipag-ugnayan na ang kampo ni Xander sa National Bureau of Investigation (NBI) para matugis ang mga nasa likod ng pag-upload ng video.

-- Ulat ni Mario Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.