Kaye Abad, muling nagbalik sa 'Nang Ngumiti Ang Langit'

ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2019 04:22 PM

Watch more in iWantTFC

MANILA -- Muling nagbalik ang aktres na si Kaye Abad sa seryeng "Nang Ngumiti Ang Langit" na ngayon ay nasa huling linggo na.

Nitong Miyerkoles, habang nag-aagaw buhay ang bidang karakter na si Mikmik (Sophia Reola) matapos itong mabaril ni Katrina (Cristine Reyes) ay nakapunta ito sa isang lugar kung saan nakita niya ang pumanaw na ina na si Ella, ang karakter na ginagampanan ni Kaye.

Iyakan at mahigpit na yakapan ang naging tagpo sa muling pagkikita ng mag-ina kung saan sinabi ni Mikmik na pagod na pagod na siya.

"Gusto ko na rito, Bunso, mas tahimik," ani Mikmik sa kanyang ina na tinatawag niyang "Bunso."
 
Sa huli, pinaliwanagan si Mikmik ng ina tungkol sa aral ng buhay.

"Ganoon talaga ang buhay, hindi palagi masaya. Minsan may mga malulungkot na nangyayari sa buhay natin, Kailangan nating itago, itabi para 'yung masasayang nangyayari lang aalalahanin natin para hindi tayo masyadong masaktan," ani Ella.

Sa teaser para sa huling Huwebes ng "Nang Ngumiti Ang Langit," ipinakita na ang pagkahuli kay Katrina at ang pagnanais ng pamilya ni Mikmik na makaligtas siya.

Sa Biyernes, Oktubre 18, ipapalabas na ang huling episode ng "Nang Ngumiti Ang Langit" bago ang "It's Showtime."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.