Jackie Foster, nagkulang nga ba sa pagiging ina?

ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2019 01:12 PM | Updated as of Oct 16 2019 01:16 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Aminado si Jackie Forster na pakiramdam niya ay nabunutan siya ng tinik nang muling maayos ang relasyon niya sa kanyang anak na si Kobe Paras.

Sa "Magandang Buhay" nitong Miyerkoles, naging bukas si Jackie tungkol sa kanyang pagiging ina, nang tanungin kung pakiramdam niya ba ay parang kulang pa rin ang pag-aalagang ibinibigay niya sa kanyang mga anak kahit ginagawa na niya ang lahat.

Aniya, may mga pagkakataong pinagdududahan pa rin niya ang sarili bilang isang ina dahil sa pinagdaanan noon sa mga anak na sina Kobe at Andre.

Ang dalawa ay mga anak ni Jackie sa dating asawang si Benjie Paras.

"You know in the back of my mind laging may doubt, kasi siyempre, parang iniisip mo lagi, parang ang iniisip ng tao, you are a bad mom. Lagi 'yan paulit-ulit nagpi-play sa utak ko kapag may hindi magandang nangyayari," pahayag ni Jackie.

Pero aniya, nagbago ang kanyang agam-agam bilang isang ina nang magkasundo muli sila ng anak na si Kobe.

"Ngayon na okay na kami ni Kobe parang nabunutan ako ng tinik," ani Jackie na proud na proud sa kanyang anak na isang basketbolista.

Abril 2018 nang muling magbalik ang komunikasyon ni Jackie sa kanyang dalawang anak matapos ang 12 taon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.