Dennis Padilla, may mensahe kay Joshua Garcia

ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2017 01:44 PM

MANILA -- Inamin ng komedyanteng si Dennis Padilla na may mensahe siyang iniwan kay Joshua Garcia, na sinasabing nobyo ngayon ng kanyang anak na si Julia Barretto.

Sa "Magandang Buhay," ibinahagi ni Padilla na sinabihan niya si Joshua na huwag sasaktan ang anak noong magkita sila nito.

"Noong Father's Day nagulat ako sabi ko kay Julia mag-dinner tayo, pagdating niya kasama niya si Joshua, ipinakilala niya sa akin. Tapos tinanong ko nga kung nanliligaw si Joshua sa iyo. Sabi niya, 'Itanong mo sa kanya.' So sabi ko kay Joshua, 'Alam mo kilala na kita kahit ngayon lang kita nakita ng personal kasi naririnig ko na.' Mabuti namang bata at marespeto," ani Dennis.

"Tapos kinausap ko din siya, sabi ko sa kanya. Wala namang problema 'yan kung mahal mo ang anak ko at mahal ka ng anak ko, okay 'yon. Ang importante lang sa akin ay huwag mo lang siyang sasaktan at huwag mo lang lolokohin. Kasi ako naman comedian ako eh pero kapag nangyari 'yon magiging action star ako," dagdag ni Dennis.

Paglilinaw ni Dennis, boto siya Joshua, dahil sa tapang nito na harapin siya.

"Boto ako kay Joshua kasi ang isang tunay na lalaki ay kayang humarap sa magulang ng kanyang minamahal," ani Dennis.

Maliban sa maayos ng relasyon sa anak na si Julia, masaya din si Dennis na maging parte ng debut ng anak na si Claudia.

"Siyempre masaya ako kasi unang una ang tagal naming hindi nagkita. Tapos noong nag-text sa akin si Julia, sabi ni Julia, 'Papa invited ka nga pala sa debut ni Claudia.' So na-happy naman ako dahil I never expected na invited ako ulit," ani Dennis na naiyak matapos isayaw ang anak na si Claudia sa debut nito.

Ani Dennis, bilang ama ay pangarap lang niya na makatagpo ang mga anak ng mga taong tunay na magmamahal sa mga ito.

"Ang gusto ko lang ay makakilala sila ng tunay na magmamahal sa kanila. Mas gusto ko pa 'yon. Hindi naman kailangan na maging marangya ang manliligaw ng anak mo o guwapo. Mas okay pa ako sa hindi guwapo at hindi mayaman pero ang puso naman niya ay buong buo ang pagmamahal sa anak mo, mas ire-respeto ko pa ang mga ganoon," ani Dennis.

Pagbabahagi ni Dennis, bata pa lang ang mga anak nang magkahiwalay sila ng dating asawa na si Marjorie Barretto.

"Na-miss ko lang 'yung growing up years nila kasi yung mapahiwalay ka sa asawa, masakit 'yon, pero 'yung mapahiwalay ka sa mga anak mo, 10 beses ang sakit noon, mas masakit talaga 'yon. Kasi noong magkahiwalay kami, si Julia was only 10, si Claudia was only 8 and Leon was magpo-4 or 3 years old. That was painful dahil ang liliit eh noong iiwan mo," ani Dennis.

Bumisita si Dennis, para anyayahan ang kanyang kauna-unahang directorial job na "The Barker" kung saan bida si Empoy Marquez, kasama si Shy Carlos.

Ipapalabas ang "The Barker" sa Oktubre 25.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.