'Ibalik niya ako 10 years ago': Judy Ann, may hiling kay Starla

ABS-CBN News

Posted at Oct 14 2019 06:52 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Kung bibigyan ng pagkakataon, nais ni Judy Ann Santos na makabalik sa nakaraan para maitama ang kasalukuyan.

Sa "Magandang Buhay" nitong Lunes, tinanong si Judy Ann kung ano ang kanyang hiling sa isang wishing star.

"Siguro para sa pangkalahatan hindi lang para sa akin. Siguro kung mawis-ish ko lang kay Starla na maibalik ang panahon na hindi pa congested ang buong Pilipinas at magkaroon ng pagkakataon na maiplano ng maayos ang mga bagay-bagay. Siguro we would have been living in a better place, walang matinding trapik, walang polusyon. 'Yung mga hindi natin binigyang pinansin noon, ngayon natin nakikita ang epekto," ani Judy Ann na bida ng pambatang serye ng Kapamilya network na "Starla," kung saan tampok ang karakter ni Starla, isang wishing star na tinutupad ang hiling ng mabait na batang bida.

"Kung sana mabigyan lang, mai-backtrack lang ng 10 years ago we could have done something about it para hindi tayo umabot sa ganitong lugar na (may) climate change. Ang laki nang ikinakatakot ko para sa mga kabataan, sa magiging kinabukusan nila sa mga nangyayari sa atin ngayon. Sana magkaroon tayo ng chance na mapangalagaan ang mundo. Siguro kinder ang mga tao kasi hindi iinit ang ulo dahil sa trapik, mas magiging giving, mas magiging patient. Kasi lahat naman 'yan ay nagdo-domino effect 'yan dahil sa kapaligiran natin," dagdag ng aktres. 

"So ako 'yon iwi-wish ko kay Starla na sa sitwasyon ko ngayon ay ibalik niya ako ng 10 years ago para alam ko ang nangyari ngayon, para alam ko ang puwede kong gawin," giit ni Juday.

At sa simpleng paraan, ginagawa na rin ng aktres at kanyang pamilya ang makatulong sa Inang Kalikasan sa pamamagitan ng pag-iwas sa paggamit ng plastik.

"Hangga't maari we try to reuse our plastic bags. Kapag pumunta ka sa coffee shops, may sarili kaming tumblers. Hangga't maari wala ng plastic or something basta everything should be and must be reusable. Kahit lalagyan ng lotion, alcohol, lahat 'yan nire-reuse na lang namin sa bahay and 'yung segregation," pagbabahagi ni Judy Ann.

Sa ngayon ay abala si Judy Ann sa seryeng "Starla" na aniya ay patapos na nilang gawin matapos nilang simulan higit isang taon na ang nakakaraan.

Aniya, na-enjoy niya ang paggawa ng serye.

"'Yung first taping days ako nahirapan kasi 'di ko alam paano ba maging kontrabida or magtaray. Pero na-enjoy ko na siya kasi ang bihis mo iba, make-up mo iba, masarap paglaruan 'yung character," kwento niya. 

"Gusto mo ring magpakita ng iba pang puwede mong gawin bilang artista sa mga viewer mo, sa mga sumusuporta sa iyo. Sana mainis sila sa akin kasi kapag nainis sila sa akin, ibig sabihin tawid ang ginawa ko. So hinihintay ko na may bumato sa akin sa daan. So far wala pa naman," ani Judy Ann.

Mapapanood ang "Starla" gabi-gabi, mula Lunes hanggang Biyernes, pagkatapos ng "FPJ's Ang Probinsyano."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.