'Promdi Boys': Kilalanin ang barkada ni Coco Martin sa 'Ang Probinsyano'

ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2018 12:26 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Isang masayang Coco Martin ang nagbahagi ng ilang bagay tungkol sa kanyang mga kasamahan sa pinagbibidahan niyang serye na "FPJ's Ang Probinsyano."

Sa "Magandang Buhay" nitong Biyernes, inisa-isa ni Coco ang kanyang mga nalalaman tungkol sa tinaguruang "Promdi Boys" o "CIDG Boys" na sina John Prats, Marc Solis, Lester Llansang, John Medina, at Roy Gaite.

"Si Marc, napakalaki ng utang na loob ko diyan. Kasi nung time na nasa ibang network kami at extra pa ako noon, napakaganda ng pagtrato niya sa akin noon. Siyempre nai-starstruck ako sa kanya kasi Marc Solis siya, napapanood ko na siya noong bata pa ako sa 'Ang TV' at iba't ibang pelikula. Pero napaka-genuine niyan at napakabait," ani Coco.

Mas naging makulit naman ang birong hirit ni Coco sa pagkukuwento niya tungkol kay Roy: "'Yan maraming kapintasan talaga. Unang-una kuripot 'yan, sobrang kuripot. Pero napakabait niyan at sobrang mapagmahal sa pamilya niya, lalong-lalo na sa mga anak niya."

Pagdating kay Lester, pinuri ni Coco ang galing niya sa pag-arte.

"Si Lester naman hindi ko maintindihan kung paano 'yan naging best actor," pabirong sabi niya. "Pero hindi, si Lester ay napakahusay na artista, napakabait na tao lalong lalo na sa anak niya. Kapag malungkot ako, kapag kailangan ko ng kakuwentuhan o whatever, kahit kantahan 'yan, maasahan mo 'yan. Tunay na kaibigan," ani Coco.

Kuwento naman ni Coco, malaki rin ang utang na loob niya kay John Medina.

"Si John actually may ginagawa akong soap, 'Minsan Lang Kita Iibigin.' Tapos guest din siya, eh naghahanap ako ng ka-double dahil dalawa ako roon. Actually binulungan ko siya, sabi ko, 'John. dumouble ka na lang sa akin.' Sabi niya, 'Paps, naman bakit double?' 'Tange,' sabi ko, 'kapag dumouble ka sa akin, every day din ang taping mo'... Sabi ko, 'maliit lang 'yung role mo, mag-double ka na lang sa akin, mas marami ang taping mo,'" ani Coco. 

"Kaya ang ginawa niya, nag-double na lang siya sa kin. Napakahusay na artista. Ang ikinaganda noon, magaling ang ka-interact ko kapag kaeksena ko ang ka-double ko, kaya napakalaki rin ng utang na loob ko riyan."

Inamin din ni Coco na hindi niya makakalimutan ang pagiging kontrabida niya kay John Prats sa isang proyekto.

"Si Praty naman, nung nag-ABS-CBN na ako, ako 'yung kauna-unahang naging kontrabida niya sa 'Tiny Tony.' Hindi ko makakalimutan 'yon, kahit konti lang 'yung mga eksena namin na pinagsamahan. Iba siyang tao, siyempre John Prats siya, hindi ko inakala na that time ay nagsisimula pa lang ako, hindi ko akalain na tatanggapin niya ako bilang kaibigan. Kaya lumalim nang lumalim ang pagkakaibigan namin lalo na rito sa 'Ang Probinsyano,'" aniya.

Sa huli, ibinahagi rin ni Coco ang kanyang pangako para sa kanyang mga malapit na kaibigan sa "Ang Probinsyano."

"Kahit magkaroon na kami ng kanya-kanyang pamilya, lumaki na ang mga anak namin, siyempre 'yung pagiging magkaibigan hindi lang dito sa showbiz 'yan. Nasubukan na namin 'yan sa mahabang panahon. Kumbaga bilang magkaibigan, sa hirap at ginhawa, mayroon man o wala, nandiyan kami para sa isa't isa," ani Coco. 

Sa huli, ipinahatid naman mga "Promdi Boys" ang kanilang paghanga at pagpapasalamat kay Coco.