Pinay contestant sa 'X-Factor UK,' tanggal na

Rose Eclarinal, ABS-CBN Europe News Bureau

Posted at Oct 11 2018 07:11 PM

LONDON - Tapos na ang stint ng 17 anyos na si Maria Maureen Laroco sa reality singing contest na "The X Factor UK" pero hindi pa raw tapos ang laban. 

Nangako si Laroco na babalik siya sa susunod na taon para makapasok sa live round ng reality singing contest. 

“I am thankful and blessed that I have these loving people beside me. Being part of 'X Factor' and being surrounded by loving people is so amazing. I’m actually still overwhelmed sa lahat ng nagyayari sa akin ngayon,” sabi ni Laroco. 

Matapos ang makapigil-hiningang 6-chair challenge noong nakaraang linggo, dapat sasabak sa judge’s house si Laroco. Pero hindi siya nabigyan ng visa papuntang Los Angeles para makasama sa grupong dapat ay ime-mentor ng reality judge na si Simon Cowell. Sa kabila nito, kasali pa rin siya at pinanood na lang sa projector ang performance niya ng piyesang “California Dreaming.” 

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagpabilip man, hindi nakapasok sa susunod na round si Laroco pero natupad pa rin daw ang pangarap niya na ma-mentor ni Cowell. 

Sabi ni Laroco, nag-click sila ni Cowell. 

“He is funny as well. Sa TV po, he is strict, nakakatakot. But we get along well,” sabi niya.

Binigyan naman si Laroco ng send-off party na naging mini-concert niya, kasama ang mga Pinoy sa London na ‘di bumitiw ng suporta sa kaniya. 

“I believe na mas magiging big star pa siya pag-uwi niya ng Pilipinas,” sabi ng kaibigan at supporter na si Terry Santos. 

“I really admired her when I first heard her singing. She’s a very humble person,” sabi ng supporter na si David Uy. 

Todo pa rin ang suporta ng mga magulang ni Laroco dahil nakita raw nila na world-class ang talent ng anak. 

“Nakita talaga namin 'yung potential niya since she was a kid na meron siyang talent na pwedeng ipagmalaki sa buong mundo,” sabi ng kaniyang amang si Freddie. – May ulat ni Marco Pajo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.