Ama ng aktor, sinabing walang kasalanan si Jake
Tinamaan ng bala ang isang delivery rider matapos madamay sa paghabol ng mga pulis sa aktor na si Jake Cuenca, gabi ng Sabado, ayon sa pulisya.
Nagsimula umano ang habulan sa Mandaluyong, at umabot sa Pasig.
Ayon sa paunang ulat ng Eastern Police District, nagsasagawa ng buy-bust operation ang mga pulis sa Mandaluyong nang biglang mabangga umano ang sasakyan nila ng isang itim na Jeep Wrangler.
Hindi umano tumigil ang sasakyan, kaya hinabol ito ng mga pulis.
Umabot sa Shaw Boulevard ang habulan at binaril ng mga pulis ang gulong ng sasakyan para huminto ito.
Na-korner ng mga pulis ang sasakyan sa West Capitol Road sa Barangay Kapitolyo sa Pasig.
Hinuli ang nagmamaneho ng sasakyan na napag-alamang ang 33-taong gulang na aktor na si Cuenca.
Sa pagpaputok umano ng pulis, natamaan ng bala ang isang delivery rider na si Eleazar Maritinito, 43 taong gulang. Agad siyang dinala sa Rizal Medical Center at nagpapagaling na.
Dinala ang aktor sa Mandaluyong Police Station at nahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting to Damage to Property.
Dumating naman sa police station si dating Comelec Chairman Benjamin Abalos, Sr. na kaibigan umano ng pamilya Cuenca. Dumating rin ang aktor na si Paulo Avelino na isa sa huling kasama ni Cuenca bago ang insidente.
Hindi na humarap sa camera ang ama ni Jake Cuenca. Pero sinabi niyang walang kasalanan ang anak at nagtamo rin ng sugat ang aktor dahil pinadapa umano ng mga pulis.
Hindi aniya huminto agad si Jake dahil mga naka-sibilyan ang mga pulis, kaya natakot umano ang aktor na tumigil sa kalsada.
Bandang alas singko ng umaga ng Linggo, pinayagang umalis sa presinto ang aktor. Ayon sa EPD, nagpa-medical check-up si Cuenca.
Magbibigay aniya sila ng pahayag kapag nakakalap na ng kumpletong impormasyon.
MULA SA ARCHIVES
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.