Maine Mendoza, aminadong nahirapan sa 'Isa Pa With Feelings'

ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2019 11:55 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Aminado si Maine Mendoza na nahirapan siya sa pagganap sa kanyang karakter para sa pelikulang "Isa Pa With Feelings" kasama si Carlo Aquino.

Sa panayam ni Amy Perez para sa "Umagang Kay Ganda" na ipinalabas nitong Huwebes, nagkwento sina Maine at Carlo tungkol sa naging karanasan nila sa paggawa ng una nilang pelikula na magkasama.

Ayon kay Carlo, mas mahirap ang karakter ni Maine dahil sa maliban sa pag-arte ay kailangan pa nitong mag-memorya ng linya at sign language.

Sa pelikula, ginagampanan ni Maine ang karakter ni Mara na makikilala at iibig sa karakter ni Carlo na si Gali, isang taong may kapansanan sa pandinig.

"Ako, mas madali 'yung ginagawa ko kaysa sa ginagawa ni Maine kasi ako sign lang and emotions 'yung inaabala ko," ani Carlo.

"Iba po kasi ang syntax ng deaf, 'yung construction nila. So ang hirap kasi parang bali-baligtad 'yung sign doon sa sinasabi ko," paliwanag ni Maine na ibinahagi na muntik na siyang sumuko dahil sa hirap sa isang eksena.

"'Yung confrontation scene, gusto ko nang gumive up pero si Caloy super nandiyan lang, pinu-push niya ako. Feeling ko 'di ko 'yon magagawa kung wala si Carlo," ani Maine.

At dahil sa hirap ng karakter ni Maine, muling iginiit ni Carlo ang paghanga sa aktres.

"Kaya sinasabi ko ang husay niya at ang tapang niyang artista para tanggapin 'yung role," ani Carlo.

"Ang daming challenge na na-enjoy namin," dagdag ng aktor.

"At nairaos natin, di ba?" hirit naman ni Maine na ibinahaging ang naging pagsayaw nila ni Carlo sa pelikula ang isa rin sa mga hindi niya makakalimutang eksena.

"Kasi doon kami unang nagpi-prepare, so hindi pa kami as in close. Memorable siya, nakita ko na rin 'yung edit and ang ganda," ani Maine.

Ipapalabas na sa mga sinehan ang "Isa Pa With Feelings" simula Oktubre 16.

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.