‘Akala ko hindi na matutuloy’: Direk Antoinette nagulat sa serye nina James, Nancy

ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2019 03:46 PM | Updated as of Oct 11 2019 07:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi inasahan ng marami ang pagtatambal sa teleserye nina James Reid at Nancy ng Korean girl group na Momoland.

Pero maging si Antoinette Jadaone na magdidirek at magsusulat ng serye, na pinamagatang “Soulmate,” ay nagulat sa pag-usad ng proyekto at sa pagiging bahagi rito ni Nancy.

Magtatambal sa isang teleserye sina James Reid at Nancy ng K-pop girl group na Momoland. Ganiel Krishnan, ABS-CBN News

Sa panayam ng ABS-CBN News kay Jadaone sa Busan, South Korean, ibinahagi ng direktor na matagal na niyang naisip ang konsepto ng “Soulmate.”

“From two to three years ago pa siya. It was supposed to be a movie, then series, tapos nawala siya ulit. Tapos noong naghahanap ‘yong ABS and Dreamscape ng story for a concept, I pitched it,” kuwento ni Jadaone.

“Nagulat ako kasi hindi ko ine-expect although we really need a Korean for the series. Kaya akala ko hindi na siya matutuloy kasi mahirap makahanap ng Korean for the series,” aniya.

Tumanggi muna si Jadaone na ibahagi ang kuwento ng serye pero iginiit niyang kakaiba ang “Soulmate” sa mga dati niyang proyekto dahil bukod sa pagiging direktor ay siya rin ang magsusulat nito.

Pinuri din ni Jadaone ang ganda ni Nancy, na nakaharap niya sa story conference para sa serye noong Biyernes.

 

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by Dreamscape Entertainment (@dreamscapeph) on

“Ang ganda ni Nancy. Parang nagte-ten-step skin care routine talaga siya, tapos very pleasant,” aniya.

Posibleng mag-umpisa ang mga workshop at immersion para sa serye sa dulo ng taon o sa simula ng 2020, ayon kay Jadaone.

Ang “Soulmate” din ang magsisilbing reunion project ni Jadaone at Reid, na huling nagsama noong 2018 para sa pelikulang “Never Not Love You.”

Bukod sa “Soulmate,” nakatanggap din si Jadaone at kapuwa direktor na si Dan Villegas ng $10,000 grant para sa pitch nilang may pamagat na “Boldstar.”

Nakuha ng dalawang direktor ang grant matapos mapanalunan ang CJ Entertainment Award sa Asian Project Market ng Busan International Film Festival.

May mga artista nang napili para sa “Boldstar,” ani Jadaoine, pero sekreto muna ito.

-- May ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.