Ejay Falcon, ibinahagi ang karanasan sa paglabas sa Korean drama

ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2018 04:42 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Hindi naitago ni Ejay Falcon ang saya sa pagkakataon na mapasama sa pinakabagong Korean drama na "Where Stars Land."

Sa panayam ng ABS-CBN News nitong Miyerkoles, ikinuwento ni Ejay ang karanasan na makasama ang mga sikat na Korean stars na sina Lee Je Hoon at Chae Soo Bin.

"Sabi ko nga sa caption 'opportunity unlocked.' Sobra kong blessed na tao. Sobrang ipinagpapasalamat ko sa Diyos at sa ABS-CBN at sa mga taong nagtulong-tulong para makapunta ako roon at magawa ang project na yon," ani Ejay.

"May episode doon na kuwento ng mag-asawang Filipino. Nagkasama kami ni Lauren Young at nag-shoot kami sa Korea for one week. Sobrang kakaiba ang shooting nila compared sa atin. Kasi sa kanila ipapalabas siya sa TV pero ang take nila sa eksena ay film. Medyo advance sila in terms of equipment at doon hindi masyadong nagke-cable-cable kaya ang bilis ng galawan ng tao," kuwento ni Ejay.

Sa Korea, ipinalabas na sa SBS ang nakunang mga eksena nina Ejay at Lauren.

Pagbabalik-tanaw ni Ejay, nung una ay medyo nahirapan siya sa taping pero naging magaan na ang lahat habang tumatagal.

"Nung first scene kong ginawa, ang daming boses na naririnig kasi 'yung instructions hindi ko agad makukuha kasi hindi rin sila ma-Ingles na tao. So nag-a-adjust ako. After lunch break dirediretso na kami, nakikipagbiruan na ako with the director. Tapos ang polite nilang tao. Mababait sila ang sarap magtrabaho," ani Ejay na hindi rin makakalimutan ang pakikipagsalamuha sa mga bida ng serye.

"Hindi ko makakalimutang experience 'yung bida ng 'I'm Not A Robot' ay super sikat doon, tapos super sikat dito. 'Yung makilala mo lang sila at makakuwentuhan mo ng konti, kahit saglit, ay hindi na makakalimutang experience sa akin," ani Ejay.

Tumatak din kay Ejay ang papuri sa kanya ni Lee Je Hoon. 

"Si Lee Je Hoon, niyakap niya ako. Sabi niya 'See you soon. You are a good actor,'" ani Ejay na bukas na muling makagawa ng K-drama.

"Sabi ko nga nung nandoon ako, baka kung may role kayo maga-audition ako. Kasi okay din talaga sa kanila, maganda magtrabaho sa kanila," aniya.