Roxanne Barcelo, natupad ang hiling ng namayapang ama sa 'Tawag'

ABS-CBN News

Posted at Oct 09 2019 05:17 PM | Updated as of Oct 10 2019 07:36 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA -- Espesyal para sa aktres na si Roxanne Barcelo ang kanyang naging perfromance sa celebrity edition ng Tawag ng Tanghalan sa "It's Showtime" nitong Miyerkoles.

Dito, inawit ng aktres ang "Somewhere Over the Rainbow" na nagpaantig sa puso ng mga hurado na sina Zsa Zsa Padilla at Dulce.

Ayon kay Roxanne, ang kanyang pagbabalik sa pagkanta ay isa sa mga huling kahilingan ng kanyang ama bago ito pumanaw.

"One month kasi siya before mamatay, mi-nessage niya ako, parang may instinct or intuition na may pagano'n. Ti-next niya ako sabi niya 'kanta ka, anak' in capital letters, sabi niya 'sayang anak,'" kuwento ni Roxanne sa "It's Showtime."

"Kasi wala namang nakikinig sa akin kumanta, tatay ko lang," emosyonal na kuwento ng aktres.

Ayon pa kay Roxanne, naniniwala siya na blessing ang Tawag ng Tanghalan para mapagbigyan niya ang huling kahilingan ng kanyang ama.

"Kaya noong tumawag sa akin ang TNT, sabi ko kahit hindi ko kakayanin...' Alam ko naman na maiiyak ako kasi the moment na ma-mention ang tatay, naku manginginig na," naluluhang pahayag ng aktres. 

Dahil matagal nang natigil sa pag-awit, buong puso pa rin na tinupad ni Roxanne ang hiling ng ama.

"'Yung sa acting kaya kong ibigay 125,000 percent. Pero pagdating sa singing kasi parang huhugutin ko talaga siya, hahalukayin ko siya sa ilalim ng lupa bago ko siya mailabas," pabiro pang sabi ng aktres.

"Pero sabi ko kay tatay, 'Sige hahalukayin ko ang ube na 'yan para lang maitawid ko ang pag-awit. Kahit isang kanta lang."

Taong 1999 nang tanghalin si Roxanne na first runner-up sa Metropop singing search na nagbigay sa kanya ng oportunidad na pasukin ang mundo ng showbiz.

Sa huli, itinanghal na celebrity champion of the day ng Tawag ng Tanghalan si Roxanne.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.