PatrolPH

Halalan 2022: Ilan pang celebrities humabol sa huling araw ng COC filing

ABS-CBN News

Posted at Oct 08 2021 08:15 PM

Humabol din sa paghahain ng kandidatura ang ilang bituin sa huling araw ng certificate of candidacy filing ngayong Biyernes, Oktubre 8, 2021. 

Sorpresang naghain ng kandidatura si Karla Estrada bilang nominee ng party-list na Tingog, na samahan ng mga Waray na tumutulong sa mahihirap sa Region 8. 

Nanggulat din ang superstar na si Nora Aunor sa paghain ng kandidatura bilang nominee ng party-list na "Nora A" o National Organization for Responsive Advocacies for the Arts na layuning iangat pa ang estado ng buhay ng mga taga-sining at kultura. 

Tatakbo namang senador si Robin Padilla sa tiket ng PDP-Laban. 

Naghain din ng kandidatura ang kapatid niyang si Rommel Padilla bilang kongresista ng unang distrito ng Nueva Ecija. 

Humabol din ang incumbent Bacoor Mayor na si Lani Mercado sa paghain ng kandidatura bilang kongresista ng lungsod. 

Naghain din ng kaniyang kandidatura si Arjo Atayde bilang kongresista ng Quezon City first district, kaalyado ang reelectionist na si Mayor Joy Belmonte. 

"The COVID situation has really pushed me to the limit of going for it. Because, sabi ko nga, kailan at paano? Pero this time, you know, given reality, I think more than dreams, more than the knowledge, we need leaders who have dignity, the heart, malasakit sa kapwa. 'Yon po talaga ang importante and that's what everyone needs to do," ani Atayde. 

Tatakbo namang governor ang jukebox queen na si Imelda Papin sa Camarines Sur, habang tatakbo naman bilang 3rd district representative ng Laguna si Angelica Jones. 

Naghain din ng kandidatura ang magbabalik-politika na komedyanteng si Dennis Padilla na tatakbo bilang konsehal ng ika-2 distrito ng Caloocan. 

-- Ulat ni Mario Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.