'Tanggap niya ako': Maine, nagsalita tungkol kay Arjo

ABS-CBN News

Posted at Oct 08 2019 03:17 PM | Updated as of Oct 08 2019 04:13 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Aminado ang television host at aktres na si Maine Mendoza na mas nakatulong ang pagkakaroon ng taong minamahal para maipakita niya kung ano ang totoo niyang nararamdaman.

Sa "Magandang Buhay" nitong Martes, sa usapin tungkol sa pagiging mahiyain, naging bukas si Maine tungkol sa napapabalitang nobyo nito na si Arjo Atayde.

Pag-amin ni Maine, mas kaya niyang magpahayag ng saloobin o nararamdaman sa aktor kaysa sa kanyang pamilya.

"Kasi siya 'yung nagi-initiate lagi kapag groups, outspoken kasi siya. Ang kulit niyan kahit kanino kaya niyang makihalubilo which is hindi ko kayang gawin," pagbabahagi ni Maine.

Dagdag pa ni Maine, kahit likas na mahiyain siya sa ibang tao, mas bukas na siya pagdating kay Arjo dahil tinanggap siya nito nang buong-buo.

"Wala na rin akong hiya kasi siguro, tanggap niya ako kung ano ako. He accepts me for who I am and for who I am not. So ang laking bagay noon. Para gawin niya 'yon parang mawawala na rin ako ng hiya sa kanya para i-express kung ano ako," ani Maine na inamin namang mahiyain pa rin siya pagdating sa pamilya ni Arjo.

"Kahit sa pamilya niya as in hindi ko pa rin kaya. Sinasabi ko sa kanya 'uy kung ipapakilala mo ako sa relatives mo isa-isa lang kasi hindi ko kaya kapag binigla mo ako. As in baka magkaroon sila ng impression sa akin,'" ani Maine.

Bida si Maine sa pelikula ng Black Sheep na "Isa Pa With Feelings" kasama ang Kapamilya actor na si Carlo Aquino na kasama niya ring bumisita sa "Magandang Buhay."

Ipapalabas na ang "Isa Pa With Feelings" sa mga sinehan simula ngayong Oktubre 16.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.