Cast ng 'Mindanao' tampok sa Busan Int'l Film Festival

ABS-CBN News

Posted at Oct 06 2019 06:36 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Bumida si Judy Ann Santos, Direk Brillante Mendoza, at iba pang cast member ng "Mindanao" sa red carpet ng Busan International Film Festival sa South Korea para sa premiere ng pelikula.

Sa world premiere ng pelikula, na tumatalakay umano sa gulo sa Mindanao, bumuhos ang mga pagbati at tanong ng mga nakapanood sa open talk session.

"Medyo mabigat siya, mabigat sa dibdib kasi issue siya sa conflict sa Mindanao," ani Mendoza.

"Issue pa rin siya tungkol sa isang nanay saka sa isang anak," dagdag ng direktor.

"Parang tumutulo pa 'yong luha ko after the film," anang aktor na si Allen Dizon.

Para kay Santos, panibagong milestone ang pagiging bahagi ng Busan International Film Festival.

"Since it's my first time, siyempre bago siya lahat sa akin," ani Santos.

"Nakakatuwang isipin na may isang bansa that would actually do this for foreign films and the Koreans, the locals really support it," dagdag niya.

Umaasa si Santos na mapapasama ang "Mindanao" sa mga kalahok ng Metro Manila Film Festival ngayong taon.

"Kung hindi man, okay lang naman din," anang aktres.

-- Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.