Haligi ng industriya: Tony Mabesa, Amalia Fuentes inalala sa kanilang pagpanaw

ABS-CBN News

Posted at Oct 05 2019 05:41 PM | Updated as of Oct 06 2019 12:17 AM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Nagdadalamhati ngayon ang industriya ng showbiz at teatro sa pagpanaw ng icons na sina Tony Mabesa at Amalia Fuentes sa nakalipas na araw.

Namatay noong Biyernes ng gabi si Mabesa, na tinaguriang haligi ng Philippine theater, sa edad na 84, ayon sa playwright na si Floy Quintos. Hindi nabanggit ang sanhi ng pagkamatay ni Mabesa.

Tinagurian si Mabesa na "lion of the theater" dahil sa kaniyang kontribusyon at pagiging matibay na haligi ng teatro.

Si Mabesa rin ang naging founding artistic director ng Dulaang UP. Nagsilbi siyang aktor at direktor sa aabot sa 170 pagtatanghal dito.

Isa sa pinakahuling pelikulang natapos ni Mabesa ang MMFF 2018 entry na Rainbow Sunset kasama ang namayapang aktor na si Eddie Garcia. Napanalunan ni Mabesa ang Best Supporting Actor Award para sa naturang pelikula.

Bumuhos ang pakikiramay para sa batikang aktor.

AMALIA FUENTES

Alas-4 ng madaling araw ng Sabado naman pumanaw ang tinaguriang "Elizabeth Taylor" ng Pilipinas na si Amalia Fuentes sa edad na 79 dahil sa multiple organ failure.

"Cardiac arrest po dinala siya sa St. Lukes three days ago tapos
nagkakaroon ng multiple organ failure and seizure. Sampung beses ko siya nakita huminga then wala na," ani Niño Muhlach, pamangkin ni Fuentes, sa panayam sa DZMM.

Inalala si Fuentes, Amalia Muhlach sa tunay na buhay, ng kaniyang mga kaanak sa kaniyang pagpanaw.

Isang larawan naman na magkasama sina Liezel at Amalia ang pinost ng asawa ni Liezel na si Albert Martinez na may caption na "Amalia Fuentes, Rest in peace" sa Instagram.

Sa Instagram din idinaan ni Aga Muhlach ang kaniyang mensahe sa namayapang tita. Parang anak daw ang turing sa kaniya ni Fuentes.

Inalala rin niya ang mga masasayang sandali at bakasyon noong kaniyang kabataan kasama si Fuentes.

Taong 1956 nang masimula ang karera ni Fuentes na bumida sa pelikulang "Movie Fan" kasama ang naging on-screen partner na si Juancho Gutierrez.

Dalawang beses nanalo si Fuentes sa FAMAS para sa "Ibulong Mo Sa Hangin" (1966) at "Pag-Ibig Mo Buhay Ko" (1973).

Oktubre 2015 nang ma-stroke si Fuentes habang nagbabakasyon sa South Korea.

— May ulat ni Ganiel Krishnan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.