PatrolPH

Xander Ford, ibinahagi ang gustong maka-love team

ABS-CBN News

Posted at Oct 03 2017 05:52 PM

Xander Ford, ibinahagi ang gustong maka-love team 1
Nag-pose si Xander Ford para sa mga photographer sa kanyang press con. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

MAYNILA - Dahil level-up na si Xander Ford mula sa pagiging Marlou Arizala, level-up na rin ang mga gusto nitong makasama sa mga proyekto. 

Aniya, matagal na niyang gustong makatrabaho ang mga bigating Kapamilya leading man na sina Daniel Padilla, Enrique Gil, at James Reid. 

Pero ang pinaka-iniidolo ni Xander Ford, walang iba kundi ang "La Luna Sangre" star na si Daniel. 

"Pangarap ko po silang makatrabaho, lalo na po si Kuya Daniel Padilla. Idol ko po 'yun dati pa," sabi ni Xander Ford sa isang press conference, Martes. 

Bukod sa talento ng ka-loveteam ni Kathryn Bernardo, tinitingala ni Xander Ford ang aniya'y ugali ng kanyang "Kuya DJ" pagdating sa mga basher. 

"Kasi po si Kuya Daniel Padilla... kahit na sobrang gwapo niya, marami pong namba-bash sa kanya pero ipinapakita niya pa rin 'yung tapang niya sa mga basher," sabi ni Xander Ford. "Kahit laitin siya, nandun pa rin siya, nakatayo at nginingitian niya pa rin 'yung mga tao."

Pagdating naman sa ka-loveteam, sinabi ni Xander Ford na gusto niyang muling magkaroon ng tsansa na makatrabaho ang dati niyang nakapareha sa "Home Sweetie Home" na si Miles Ocampo. 

"Hindi kami naging super close. Pero sana ngayon maging super close pa po kami 'pag nagkaroon po ng chance," dagdag pa nito.

Bago naging Xander Ford, nakilala muna ito bilang Marlou Arizala na naging paboritong target ng mga basher sa social media. 

Partikular na binabanatan ang pisikal niyang anyo, bagay na tinatawanan lang niya noon

Sa programang "Rated K," sinundan ang pinagdaanan ni Marlou Arizala para maging Xander Ford partikular ang pagpaparetoke nito ng iba't ibang bahagi ng kanyang mukha. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.