Maine Mendoza, inaming nagka-crush kay Carlo Aquino

Rose Eclarinal, ABS-CBN News

Posted at Oct 01 2019 04:43 PM | Updated as of Oct 02 2019 01:26 AM

Watch more in iWantTFC

MANILA -- "Siya po talaga ang gusto kong maging leading man." 

Ito ang naging pag-amin ni Maine Mendoza tungkol sa Kapamilya actor na si Carlo Aquino na kasama niya sa pelikulang "Isa Pa With Feelings" ng Black Sheep.

Sa media conference nitong Lunes, napaamin din si Maine sa kanyang paghanga sa aktor nang matanong kung ano ang reaksiyon niya nang malamang makakasama niya ito sa pelikula.

"Kasi nung napanood ko 'yung pelikula ni Bela (Padilla) 'yung 'Meet Me In St. Gallen' talagang 'yung admiration ko doon sa character niya, kay Jesse, nung napanood ko siya parang naging crush ko siya nang slight. Pero nung paglabas ko sa sinehan, nawala na rin naman. So siya talaga, sabi ko iba siya sa big screen. So sabi ko kung magkaka-movie ako sana ay mabigyan ako ng chance na si Carlo ang makapareha ko," ani Maine.

Pag-amin naman ni Carlo, kinabahan siya nang malamang makakasama niya sa proyekto si Maine, ang kalahati ng sikat na love team na "AlDub." 

"Siyempre excited at siyempre kinabahan. Kasi siyempre ang laki ng fan base nila, tapos ako 'yung sisingit. Pero more than that excited talaga ako na makatrabaho niya dahil dati pinapanood ko lang 'yung dub, dub niya. Quiet, quiet lang siya noong una, nung tumagal-tagal, kalog pala," ani Carlo na mas piniling i-enjoy na lang na makatrabaho ang bagong kapareha. 

"More than pressure, mas in-enjoy ko na lang ang bagong kapareha. Mas nag-concentrate ako sa matutunan ko kaysa doon sa ma-pressure," ani Carlo.

"Same rin ako. Parang winelcome at in-embrace ko na rin 'yung pagkakataon to get to know another person, to work with another actor, with another team, in-enjoy na lang po namin," dagdag naman ni Maine na naniniwalang mauunawaan ng kani-kanilang mga tagahanga ang pagsasama sa pelikula.

Ipapalabas ang "Isa Pa With Feelings" sa mga sinehan simula ngayong Oktubre 16.