Janine, Elha at Zephanie, labis ang kasiyahan sa pagiging bahagi ng 'ASAP Natin 'To'

ABS-CBN News

Posted at Oct 01 2019 03:52 PM | Updated as of Oct 01 2019 04:34 PM

Watch more in iWantTFC

MANILA -- Labis ang kasiyahan nina Tawag ng Tanghalan Season 2 champion Janine Berdin, "The Voice Kids" Season 2 grand winner Elha Nympha at "Idol Philippines" grand winner Zephanie Dimaranan sa pagiging parte nila ng "ASAP Natin 'To."

Sa "Magandang Buhay" nitong Martes, inamin ng tatlo na hindi nila akalain na mabibigyan sila ng pagkakataon na makasabayan sa pag-awit ang kanilang mga iniidolo.

"Isa po 'yon sa dream come true po naming tatlo. Kasi [nga] mga idol namin sila noon hanggang ngayon, tapos makakasama namin sila, so sobrang nakaka-overwhelm," ani Zephanie.

"At the same time ay malaking pressure po siya kasi sa dimami-dami pong puwedeng bigyan ng trust na ito kami 'yung in-entrust ng 'ASAP.' Kaya malaking responsibility po," ani dagdag ni Janine.

Para naman kay Elha, inamin niyang hindi niya akalain na pagsasama-samahin sila nina Janine at Zephanie bilang isang grupo.

"Sobrang thankful po kami sa opportunity na binigay ng 'ASAP.' Actually hindi ko ini-expect na makakasama ko po itong dalawang ito," ani Elha na nakilala na noon pa si Zephanie nang makalaban niya ito sa "The Voice Kids."

Si Zephanie naman ay nakaharap ni Janine sa naging laban niya sa "Tawag ng Tanghalan."

Nang pagsamahin sila sa "ASAP," aminado ang tatlo na labis ang kanilang kasiyahan.

"Sobrang saya ko kasi ang tagal ko siyang hindi nakita (si Zephanie). Nagko-communicate lang kami through social media po," ani Elha.

"Na-excite po ako nung nalaman ko na magkakaroon kami ng parang production number kasama ko sila kasi nga po nakasama ko na sila dati. Hala ngayon parang kami na 'yung tatlong magkakagrupo. Ang saya," dagdag ni Zephanie.

At sa kabila nang naranasang pagkabigo noon ay matagumpay na narating ng tatlo ang kanilang kinalalagyan.

Sa mga pinagdaanang pagsubok, ibinahagi ng tatlo ang kanilang mga natutuhan.

"Unang-una huwag ka maggi-give up agad. Hindi answer ang pagsuko. Kasi may time talaga para sa mga gusto mong mangyari sa buhay mo. So wait ka lang at gawin mo ang lahat para ma-improve mo ang sarili mo," ani Zephanie.

"Siyempre ang lahat ng negative things na na-experience natin sa buhay ay iti-take natin as positive... Importante na pakinggan natin ang loved ones natin huwag 'yung negative sa buhay," dagdag naman ni Janine.

"Ang mga natutunan ko is parang piliin mo ang mga taong pagkakatiwalaan mo, 'yun po talaga. Saka natutunan ko na maging strong po para mag-stay sa industry na ito. Kasi marami po talagang taong gustong ibaba ka," hirit naman ni Elha.

Mapapanood sina Janine, Elha at Zephanie ang tinaguriang "New Generation Champs" sa "ASAP Natin 'To."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.