Coco Martin, masaya sa pag-renew ng kontrata ng FPJ Productions sa ABS-CBN

ABS-CBN News

Posted at Sep 30 2018 06:56 PM | Updated as of Sep 30 2018 07:23 PM

MAYNILA -- Labis na pasasalamat ang ipinaabot ng aktor na si Coco Martin para sa patuloy na pagsubaybay ng mga manunuod tuwing gabi sa "FPJ's Ang Probinsyano."

Ayon sa aktor, hindi nila inaakala na kakapitan ng mga manunuod ang bawat gabi ng kanilang programa.

"Nakakatuwa kasi napaka-updated siya. Hiindi namin siya sinasadya kaya nga minsan natatakot kami e kasi kinukuwento namin siya tapos bigla siya nangyayari ," tugon ni Coco sa press sa naganap na ABS-CBN Ball.

Hangad din ng aktor at tumatayong creative head ng programa na magbigay-gabay sa mga batang nanunuod ng Kapamilya series.

"Sabi ko nga, kung ano lang ang sa tingin natin na tama, ang purpose naman kasi ng 'Probinsyano is to guide, lalo na 'yung mga kabataan na mabigyan sila ng tamang values. As in inaaral namin ang bawat script at dialogue na nakaka-affect sa mga manunuod," ani Coco.

"Lalo na sa mga kabataan ngayon na nakatutok sa social media, ang mga magulang nila nagta-trabaho tapos ang mga bata nanunuod. Kung wala man ang magulang nila, siguro tayo na. Ibalik natin ang magagandang values sa mga kabataan," dagdag pa niya.

Samantala, isa din ang aktor sa mga labis na natutuwa sa patuloy na tiwala ng FPJ Productions sa ABS-CBN na nag-renew ulit ng kontrata para patuloy na maipalabas sa Kapamilya network ang mga naiwang pelikula ni Fernando Poe Jr.

At bilang sumusunod sa yapak ni Da King, isang karangalan din para sa aktor kung sakaling ipagkatiwala muli sa kanya ang iba pang karakter na pelikula ni FPJ.

"Sana makagawa ulit, pero wala pa kaming napag-uusapan about diyan. Sabi ko nga kahit hindi ako 'yung artista, sana marami pang pelikula ni FPJ ang maging teleserye dahil talagang malapit sa puso ng Pilipino ang mga pelikula niya," pahayag pa ng aktor.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.