PatrolPH

PANOORIN: Coco Martin at Susan Roces, nagpasalamat sa mga ka-Probinsyano

ABS-CBN News

Posted at Sep 29 2021 02:26 PM

MAYNILA -- Nagpasalamat ang aktor na si Coco Martin sa lahat ng mga tumatangkilik at patuloy na sumusuporta sa pinagbibidahan niyang serye na "FPJ's Ang Probinsyano."

Nitong Martes, Setyembre 28, sa ika-6 taon ng sikat na serye ng ABS-CBN, ibinahagi ni Martin ang pasasalamat sa pamamagitan ng isang video na inilabas ng Dreamscape Entertainment.

"Sa lahat ng aming mga ka-Probinsyano saan mang sulok ng mundo, maraming-maraming salamat po sa anim na taon na pagsama ninyo sa laban ni Cardo," ani Martin na kilala sa pagganap niya sa serye bilang si Cardo Dalisay.

"Sa lahat nang bumubuo ng 'FPJ's Ang Probinsyano,' mula sa staff, crew, actors, directors at sa lahat ng mga boss ng ABS-CBN kami po ay nagpapasalamat sa lahat ng pagmamahal ninyo. Maraming-maraming salamat po," dagdag ni Martin.

Watch more on iWantTFC

Maliban kay Martin, nagpaabot rin ng kanyang pasasalamat at suporta ang batikang aktres na si Susan Roces.

"Sa loob ng anim na taon, masaya ako na naging parte ako ng pamilyang ito. Para sa lahat ng mga ka-Probinsyano, maraming-maraming salamat sa pagtangkilik ninyo, sa pagtulong ninyo, sa pagmamahal ninyo. Pinagbuklod tayong lahat bilang isang pamilya sa isip, sa puso at sa gawa. Happy, happy 6th anniversary," ani Roces na ginagampanan ang karakter ni Flora Dalisay, ang mapagmahal na lola ni Cardo.

Si Roces ang balo ng yumaong Hari ng Pelikulang Pilipino na si Fernando Poe Jr. o FPJ.

Matatandaang si Roces ang nagbigay ng basbas kay Martin para gawin sa telebisyon ang "Ang Probinsyano," na base sa pelikula ni FPJ na ipinalabas noong 1997. 

Sa telebisyon, unang umere ang "FPJ's Ang Probinsyano" noong Setyembre 28, 2015 na mainit na tinanggap ng mga manonood at hanggang ngayon ay patuloy na tinututukan. 

Mapapanood ang seryeng "Ang Probinsyano" sa Kapamilya Online Live, Kapamilya Channel, A2Z Channel 11, TV5, CineMo, iWant TFC, TFC, WeTV, at iflix.

 Related videos:

Watch more on iWantTFC
Watch more on iWantTFC
Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.