Kim Molina, ramdam ang inis ng fans sa kanyang karakter sa 'Kadenang Ginto'

ABS-CBN News

Posted at Sep 23 2019 12:39 PM | Updated as of Sep 23 2019 12:51 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA -- Araw-araw na napapanood at kinaiinisan si Kim Molina bilang si Savannah Rosales sa top-rating teleserye na "Kadenang Ginto."

Effective ang pagkakaganap ni Kim, dahil kahit saan siya magpunta ay inaani niya ang inis ng fans sa kanyang role na ginagampanan.

"Nagbakasyon po kami ng boyfriend ko sa Coron, sumakay kami ng bangka, nag-stop ang bangka pati 'yung katapat namin na bangka nag-stop din. Pinagsisigawan ako ng nasa kabilang bangka, 'Hoy Savannah!!!' Mga ganyan, puro pagmumura na pinagsasabi nila. Sabi ko na lang talaga, 'hello,'" ani Kim.

Dumating rin sa punto na napaiyak na lang si Kim sa mga nababasang comments mula sa mga netizen.

"Si Ate Dimples [Romana] lang talaga ang pumipigil sa akin. There was a time na nakabasa ako ng something, I was in the tent nagte-taping kami ng 'Kadenang Ginto' and all of a sudden I bursted into tears," aniya. 

Pero ayon kay Kim, naiintindihan niya ang reaksyon sa mga ganitong eksena habang ginagampanan niya si Savannah.

"Si Savannah Rosales ang first ko na role na kontrabida. I took it as a compliment on a different side on what I can do as an actress," pahayag pa niya.

Bukod sa "Kadenang Ginto," handa na rin si Kim sa kanyang launching movie na "Jowable" na ipapalabas ngayong Setyembre 25.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.