Maricel Soriano, ginaya ang iconic scenes sa ‘Himala,’ ‘Anak’

ABS-CBN News

Posted at Sep 20 2022 06:26 PM | Updated as of Sep 20 2022 06:27 PM

Mula sa vlog ni Vice Ganda
Mula sa vlog ni Vice Ganda

MAYNILA – Hindi nakaligtas ang beteranang aktres na si Maricel Soriano sa acting challenge mula sa anak-anakan niya sa industriya na si Vice Ganda.

Sa vlog ni Vice, nakaisip ng kakaibang pakulo ang komedyante upang paartehin ang kinikilalang Diamond Star ng Philippine showbiz na si Soriano.

Dahil alam nito na maiisip ng mga manonood na ipapaulit niya ang mga naging linya ng aktres noon, ipinagaya ni Vice ang ilang mga iconic scene ng iba pang sikat na artista kay Soriano para maiba. 

Unang pinagaya ng “It’s Showtime!” host ay ang “Himala” ni Nora Aunor. 

Matagumpay na nagaya ni Soriano ang nasabing eksena kung saan pinalakpakan ito maigi ni Vice dahil sa pagkakamangha.

Watch more News on iWantTFC

“Grabe naman 'yung mata mo. Ano 'yung iniisip mo? Ang galing no. Parang sinapian agad. Ganyan 'yung pang-Hollywood. Hindi naman sila luha nang luha,” komento ni Vice. 

Sunod na ginawan ng bersyon ni Soriano ang pinag-usapang komprontasyon nina Vilma Santos at Claudine Barretto sa pelikulang “Anak.”

Muling pinuri ni Vice ang husay ng batikang aktres lalo pa’t nagniningning ang mga mata nito kada bitaw ng linya. 

Dahil nakilala rin si Soriano sa ilang mga comedy movie noon, hindi pinalampas ng komedyante na maipalabas ang nakakatawang side ng aktres. 

Pinagaya ni Vice ang isa sa kaniyang role sa blockbuster film na “Girl, Boy, Bakla, Tomboy” kung saan din niya nakasama si Soriano.

Sa nasabing eksena, ginaya ni Soriano ang maarteng pagkain ni Girlie (Vice) ng isaw kasama si Harry (Ejay Falcon). 

Lalong nasubukan ang husay ng aktres sa pagpapatawa nang ipaulit ni Vice sa kaniya ang Banayad Whiskey commercial sa patok na pelikula ni Dolphy na “Father and Son” noong 1995.

Sa nasabing eksena, nalasing si Dolphy sa ibinibida niyang alak dahil sa makailang ulit na take ng direktor. 

Kagaya nang inaasahan, halos nakuha ni Soriano ang pag-arte ni Dolphy na lasing habang gumagawa ng commercial. 

Samantala, nakatakdang gumawa ng serye sa ABS-CBN si Soriano. 

KAUGNAY NA BALITA

Watch more News on iWantTFC
Watch more News on iWantTFC