MAYNILA -- Isa si Baron Geisler na nagpahayag ng kanyang suporta sa "FPJ's Ang Probinsyano" para sa ika-6 nitong anibersaryo.
Ayon kay Geisler, marami siyang magandang alaala sa naging pagganap niya sa sikat na serye ng ABS-CBN na pinagbibidahan ni Coco Martin bilang si Cardo Dalisay.
"I really had fun and awesome memories with everyone sa set. Kay Direk Coco, congratulations!" ani Geisler sa video na inilabas ng Dreamscape Entertainment.
"Happy 6th anniversary sa inyong lahat, God bless you and more power."
Matatandaang Abril 2019 nang maging parte si Geisler ng "Ang Probinsyano" bilang si Dante Madarang o Bungo, na namatay matapos itong matugis ni Cardo.
Samantala, isang malaking karangalan para sa batikang aktres na si Shamaine Buencamino ang maging parte ng serye bilang nanay ng asawa ni Cardo na si Alyana (Yassi Pressman).
Matatandaang nagpaalam ang karakter ni Buencamino sa serye ilang buwan lang ang nakakaraan nang magkasagupa ang grupo nina Cardo at Renato Hipolito (John Arcilla).
Nagpaabot din ng kanyang mensahe para sa anibersaryo ng serye ang batikang aktres at mang-aawit na si Mitch Valdes.
Sa serye, ginampanan ni Valdes ang isang tiwaling konsehal na siyang naging kalaban nina Lola Flora sa barangay.
"Sa 'Ang Probinsyano' para ka lang pumupunta ng kapitbahay at nagiging pamilya. Every day of taping were such a pleasure. The best in action, the best in drama, the best people in all the cast and the production, the crew. Happy anniversary! I am very, very fortunate na makasama kayo," ani Valdes.
Maging si Franco Laurel na gumanap bilang bise presidente ng Pilipinas sa serye ay nagpaabot na rin ng kanyang suporta sa programa.
"Simula't sapul pa lang ay tagos sa puso at diwa ng bawat ng Filipino ang mensahe ng show. Happy 6th year anniversary mga ka-Probinsyano. Mula noon hanggang ngayon -- ka-Probinsyano ako forever," ani Laurel.
Mapapanood ang bagong yugto ng seryeng "Ang Probinsyano" sa Kapamilya Online Live, Kapamilya Channel, A2Z Channel 11, TV5, CineMo, iWant TFC, TFC, WeTV, at iflix.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.