'ASAP': Erik Santos, Lian Kyla kinanta ang theme song ng 'Walang Hanggang Paalam'

ABS-CBN News

Posted at Sep 20 2020 03:47 PM

Watch more in iWantTFC

Kinanta ngayong Linggo sa “ASAP Natin ‘To” nina Erik Santos at Lian Kyla ang theme song ng upcoming Kapamilya drama series na “Walang Hanggang Paalam.”

Isang madamdaming pag-awit ng kantang “Walang Hanggang Paalam” ni Joey Ayala ang ipinamalas nina Santos, na kilala rin sa bansag na “King of Teleserye Theme Songs,” at Kyla.

Unang nakilala si Kyla sa kaniyang cover ng “Stay” ni Carol Banawa, na itinampok sa “Pinoy Big Brother Otso.” Pumirma siya noong nakaraang taon ng kontrata sa Star Music PH.

Magkapareho ang pamagat ng 1991 na kanta ni Ayala, at ng serye, na ipalalabas sa Primetime Bida block ng Kapamilya Channel simula Setyembre 28.

Susundan ng “Walang Hanggang Paalam” ang kuwento ng mga karakter nina Paulo Avelino at Angelica Panganiban, na mga dating magkaparehong muling magsasama dahil sa isang krisis.

Base sa teaser ng serye, maki-kidnap ang anak ng mga karakter ni Panganiban at Avelino kaya mapipilitan silang magtulungan para mabawi ito.

[EMBED: https://www.youtube.com/watch?v=G2QmXWz5Jnk]

Pero ang muli nilang pagsasama ay tila magiging problema para sa mga bago nilang karelasyon, na gagampanan naman nina Zanjoe Marudo at Arci Muñoz.

Isa ang “Walang Hanggang Paalam” sa mga pinakabagong serye ng ABS-CBN na na-produce at sinimulang ipalabas sa gitna ng COVID-19 pandemic at kasunod ng pagkawala ng prangkisa ng kompanya. Una rito ang “Ang Sa Iyo Ay Akin.”

Magugunitang bibida dapat sana sina Avelino at Marudo sa seryeng “Burado,” kasama sina Julia Montes, Nadine Lustre, at Thai actor Denkhun Ngamnet. Pero nakansela ang serye dahil na rin sa COVID-19 pandemic.

Tampok din sa “Walang Hanggang Paalam” – na dinirek nina Emmanuel Palo at Darnel Villaflor – sina Jake Cuenca, JC Santos, Tonton Gutierrez, Lotlot de Leon, Ronnie Lazaro, McCoy de Leon, Mary Joy Apostol, Sherry Lara, Victor Silayan, Javi Benitez, at Cherry Pie Picache.

Bukod sa Kapamilya Channel, mapapanood din ang “Walang Hanggang Paalam” sa Kapamilya Online Live. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.