MAYNILA -- Inamin ni Dolly de Leon na dumaan siya sa punto na tinanong ang sarili kung kailangan na ba niyang itigil ang pag-arte, lalo't isa siyang single parent.
Sa "Magandang Buhay" nitong Martes, ibinahagi ni De Leon na ang kanyang mga anak ang nagtulak sa kanya na ipagpatuloy ang pag-arte.
"Bilang ina, lalo na single parent, may kasamang guilt 'yon kung hindi ka magaling mag-provide sa pamilya. So umabot ako sa point na kailangan ko na bang itigil ang pag-arte kasi parang 'di na ako nagiging good provider. Pero sinabi sa akin ng panganay ko na, 'hindi Ma, ituloy mo 'yan, umarte ka pa rin, gumawa ka pa rin ng ibang mga bagay aside from acting pero ituloy mo ang pag-arte kasi for as long as nakakatanggap ka pa ng tawag, ibig sabihin nasa tamang lugar ka pa rin.' So itinuloy ko," ani De Leon na may apat na anak.
Gumawa ng kasaysayan si De Leon bilang unang Filipina na naging nominado sa British Academy of Film and Television Arts o BAFTA at sa Golden Globe Awards.
Ngayong abala siya sa mga sunod-sunod na proyekto, ibinahagi ni De Leon ang suporta ng kanyang mga anak. Aniya, nasasaktan lang siya tuwing iiwan ang 10-taon gulang na bunso.
Nang matanong kung ano ang aral na natutunan niya bilang isang ina, sagot ni De Leon: "I think that the greatest lesson I learned from them is that every individual is unique and every individual has different needs. And, different people have different ways of how you should communicate with them. Kasi ang mga anak ko, iba-iba silang personalities so sa kanila ako natuto kung paano makitungo sa all kinds of people kasi iba-iba ang ugali nila, iba ibang temperaments," ani De Leon na paglalaro ng mobile games ang bonding kasama ang mga anak.
May mensahe rin si De Leon sa mga tulad niyang single mother.
"Huwag kayong matakot na humingi ng tulong sa mga kaibigan niyo. Kaya tayo may kaibigan para sa support system. Hindi niyo kailangan gawing mag-isa. Ako hindi ko ito ginawa mag-isa. Marami ang tumulong sa akin -- 'yung mga kapatid ko, 'yung mga kaibigan ko. Kasi at the end of the day pare-pareho lang tayong tao lahat at kailangan natin ng support system," ani De Leon.
Sa ngayon ay bida si De Leon at Kathryn Bernardo sa pelikulang "A Very Good Girl" na ipapalabas sa mga sinehan sa Setyembre 27.
Kaugnay na mga video:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.