PatrolPH

Dolly de Leon, nagtrabaho bilang mascot noon

ABS-CBN News

Posted at Sep 19 2023 01:27 PM

MAYNILA -- Bago gumawa ng kasaysayan bilang unang Filipina na naging nominado sa British Academy of Film and Television Arts o BAFTA at Golden Globe Awards, iba't ibang trabaho rin ang napasukan ng aktres na si Dolly de Leon.

Sa "Magandang Buhay" nitong Martes, naikuwento ni De Leon na naging mascot ito para sa mga malalaking event.

Watch more News on iWantTFC

"Minascot ko baka. Pero dalawa kami, ako 'yung nasa likuran, tapos 'yung kasama ko siya yung nasa harapan. So nakakapit ako sa hips niya, tapos 'yung likuran niya ay nakaharap sa akin, tapos sumasayaw kami. Masaya 'yon, masaya," ani De Leon.

Naibahagi rin ni De Leon na naging babysitter rin siya. 

"Pamangkin ko rin bineybysit ko pero may bayad yon, trabaho siya," ani De Leon.

Sa programa, nagbalik-tanaw si De Leon sa pagsisimula ng kanyang karera. Ayon kay De Leon nag-aaral pa lang siya sa University of the Philippines nang magsimula siyang umarte.

"Sophomore pa lang ako lumalabas na ako sa mga sitcom, drama anthology at kasabayan ko sina Uge (Eugene Domingo) at sina Candy (Pangilinan). Doon ako nag-start sa mga sitcom," ani De Leon na inaming bata pa siya ay pinangarap na ang pag-arte.

"Acting talaga ang gusto ko nung bata pa ako pero never ko talaga siya pinursue nung una, lalo na nung pag-graduate ko ng college kasi matumal ang trabaho konti lang ang pumapasok na trabaho. So gumawa ako ng iba't ibang bagay para matuloy ko pa rin ang passion ko which is acting. Kaya ako nag-cashier, kaya ako nag-mascot at lahat," ani De Leon.

Watch more News on iWantTFC


 
Ayon kay De Leon, ang kauna-unahang pelikulang ginawa niya ay ang "Shake Rattle and Roll III" na idinirehe ni Peque Gallaga.

"Ang big deal nun, si Manilyn Reynes ang bida. Tungkol 'yon sa undin. Isa ako roon sa boarders na barkada ni Ai-Ai delas Alas dahil siya 'yung kontrabida roon, kami 'yung mean girls, inaapi-api namin si Mane. Isa kami sa pinatay ng undin," kuwento ni de Leon.

Para kay De Leon, ang hindi niya malilimutang proyekto sa TV ay ang "The Maricel Drama Special" 

"Kasi ka-eksena ko si Maria (Maricel Soriano), siyempre intimidated na intimidated ako sa kanya. Nakakatuwa doon di ba usually kapag darating ka sa set magre-reading muna sa iyo ang AD (assitant director) di ba? Para iche-check nila kung alam mo ang lines, kung marunong kang umarte, parang 'yun na ang audition mo. So nung ginawa namin 'yung lines, reporter ako roon, 'yun ang role ko ini-interview ko siya. Nung ginawa ko ang lines okay ang ganda, ang linis, pulido. Tapos nung dumating na si Ms. Maria on set, tapos action na wala na nadapa-dapa na ang lines ko ang pangit, nakakahiya. Mabuti na lang at mabait siya, hindi naman niya ako pinagalitan or anything patient naman siya," kuwento ni De Leon.

Hindi rin makakalimutan ni De Leon ang pagiging kontrabida sa programang "Precious Hearts Romances: Pintada" noong 2012. 

"Parang feeling ko 'wow breakthrough ko na ito' kasi kontrabida. Kapag kontrabida ka parang big deal 'yon eh. Ang kaeksena ko roon si Denise Laurel," ani De Leon.

Kahit na malilit na karakter ang kanyang ginagampanan, hindi naisip ni De Leon na iwanan ang pag-arte.

"Kasi tanggap ko na ganun ang destiny ko as an actor. Para sa akin as long as kinukuha ako para magtrabaho, hindi na importante ang role na gagampanan ko. Basta may trabaho, go ako. Saka 'di ko iniisip 'yon na walang linya. Para sa akin hindi naman 'yon problema, para sa akin okay nga 'yon at least nagtatrabaho pa rin at 'yun naman ang importante," ani De Leon.

Sa ngayon ay bida si De Leon at Kathryn Bernardo sa pelikulang "A Very Good Girl" na ipapalabas sa mga sinehan sa Setyembre 27.

Kaugnay na mga video:

Watch more News on iWantTFC
Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.