Sikat na rapper, arestado sa buy-bust operation sa Makati

ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2019 10:31 PM | Updated as of Sep 19 2019 06:54 PM

Marlon Peroramas, o mas kilalang Loonie. Instagram: @loonieverse

(UPDATED) Arestado sa isinagawang buy-bust operation ng Makati Police ang rapper na si Loonie at apat na iba pa.

Ayon kay Makati Police Chief Police Senior Supt. Rogelio Simo, naaresto si Loonie, o Marlon Peroramas sa totoong buhay, at mga kasamahan nito sa parking area ng isang hotel sa Brgy. Poblacion, Makati City.

Isang buwan umanong sumailalim sa surveillance ang grupo bago ikinasa ang buy bust operation.

Nakuha mula sa grupo ni Loonie ang labing limang sachet ng kush o high-grade marijuana at buy bust money.

Pero depensa ni Loonie, planted ang mga ebidensya at wala umano siyang kinalaman sa ilegal na droga.

“Hindi totoo lahat ng parating sa akin,” aniya. “Iyong mga pera at mga na sa sachet, hindi po sa akin ‘yan.”

“Pumunta po kami dito para sa batang may cancer. Nanggaling pa po ako sa radio interview kanina, dumiretso ako dito at bigla na lang gano’n,” dagdag pa ng rapper.

Watch more in iWant or TFC.tv

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Makati Police. — Ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.