Fil-Am actor na si Darren Criss, wagi sa prestihiyosong Emmys

ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2018 05:57 PM | Updated as of Sep 18 2018 08:14 PM

Nagwagi ng Emmy ang Filipino-American actor na si Darren Criss para sa kaniyang papel sa 'The Assassination of Gianni Versace.' Mario Anzuoni, Reuters

Isang Filipino-American na mang-aawit at aktor ang nagwagi sa prestihiyosong Emmy awards nitong taon dahil sa kaniyang pagganap sa Filipino-American na pumatay sa isang sikat na fashion designer.

Inuwi ni Darren Criss ang award na Outstanding Lead Actor in a Limited Series or Movie sa Emmys para sa papel niya bilang Andrew Cunanan sa "American Crime Story: The Assassination of Gianni Versace."

Sinundan ng serye ang pagkamatay ng Italian fashion designer na si Gianni Versace noong 1997, kung saan sinasabing responsable ang serial killer na si Cunanan.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon kay Criss—na kauna-unahang may lahing Pinoy na tumanggap ng award—labis niyang ikinatuwa ang pagkilala, lalo at pinaghirapan nila ang serye.
 
"It’s extremely flattering and it’s very validating. You know, we put a lot of work into these things," sabi niya sa panayam ng ABS-CBN News.

Hindi rin nakalimutan ni Criss na magpaabot ng mensahe sa mga Pinoy na nasalanta ng bagyong Ompong.

"Stay safe. My thoughts are with you," aniya.

Unang nakilala si Criss bilang bahagi ng cast ng musical series na "Glee."

Nakuha rin ng "American Crime Story: The Assassination of Gianni Versace" ang award para sa Outstanding Limited Series.

Kinikilala ng Primetime Emmy Awards, na ibinigay ng Academy of Television Arts & Sciences, ang husay sa paggawa ng mga programa sa American primetime television.

-- May ulat ni Yong Chavez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.