SILIPIN: Mga bituin nagpasiklab sa red carpet ng ABS-CBN Ball

ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2019 10:02 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagniningning ang mga bigating personalidad na nagpasiklab sa kani-kanilang "Modern Filipiniana" outfits sa ABS-CBN Ball 2019 na ginanap sa Taguig nitong Sabado. 

Nagpasiklab ang mga bituin sa red carpet, dala ang hangaring matuloy ang sinimulan ng yumaong ABS-CBN Foundation chairperson Gina Lopez.

Kani-kaniyang interpretasyon ng "modern Filipiniana" ang mga rumampa sa ball. 

Naglalakihang ball gowns naman ang suot nina Vice Ganda at Angelica Panganiban. 

Pinagsamang bersiyon naman ng Japanese "Yukata" at barong ang ibinida ni PBB Otso finalist Fumiya Sankai. Plaid naman ang tema ng suot ni PBB Otso Ultimate Big Winner Yamyam Gucong. 

Inspired sa dating hit Kapamilya show na "May Bukas Pa" ang suot ni Zaijian Jaranilla na kilala sa pagganap bilang si Santino sa teleserye. 

Nagpakilig din ang ilang love teams sa red carpet, gaya nina Maymay Entrata at Edward Barber na agaw-pansin ang mga detalye sa matching outfits nila. 

Sabay ding rumampa ang iconic 90s loveteam nina Jolina Magdangal at Marvin Agustin. 

Sabay ring dumalo ang magkasintahang sina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo sa ball, suot ang kanilang madetalyeng modern-day Filipiniana outfit. 

Naroon din sina Liza Soberano at Enrique Gil, at sina James Reid at Nadine Lustre. 

Sa unang pagkakataon bilang Kapamilya, rumampa rin sa ABS-CBN Ball si Regine Velasquez-Alcasid, kasama ang asawang si Ogie Alcasid

Naroon din ang ilang batikang personalidad, at mga ehekutibo ng ABS-CBN. 

Kasabay din ng ABS-CBN Ball ang paggunita sa buhay ng yumaong pilantropo at environmental activist na si Lopez, na namatay sa edad na 65 noong Agosto 19 dahil sa multiple organ failure. 

Mapupunta sa Bantay Edukasyon program at ilan pang benepisyado ng ABS-CBN Foundation tulad ng Sagip Kapamilya at Bantay Kalikasan ang malilikom na pera sa ball. 

-- May ulat ni Ganiel Krishnan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.