PatrolPH

Ate Gay, nahihiya sa pagkadawit ni Vice Ganda sa mga isyu niya

ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2021 11:34 AM | Updated as of Sep 13 2021 11:35 AM

alt

MAYNILA -- Aminado ang komedyanteng si Ate Gay o Gil Morales sa totoong buhay na nahihiya na siya sa palagiang pagkakadawit ng pangalan ni Vice Ganda tuwing siya ay may isyu.

Kamakailan lang umalma si Ate Gay sa bashers na nagsabing hindi na siya dapat tinulungan ni Vice Ganda noong siya ay naospital.

Sa vlog ng kapwa komedyante at beteranong showbiz writer na si Ogie Diaz, iginiit ni Ate Gay na nahihiya na siya sa "It's Showtime" host.

"Laging pinagdidikit ang mukha ko saka ni Vice Ganda, nahihiya ako kay Vice. Actually tumulong si Vice... 'Yung nang ba-bash sa akin feeling nila si Vice 'yung nagbayad ng bill ko sa ospital, parang ganoon. Parang nahihiya ako kay Vice kumbaga. Lagi na lang siyang nadadawit sa kapag may isyu ako," ani Ate Gay.

Paglilinaw ni Ate Gay, ang kanyang kapatid ang nagbayad sa nagastos niya sa ospital na umabot ng P600,000.

"Nahihiya ako sa kanya (kay Vice Ganda) dahil sa panahon na nahihirapan ako sa ospital ay 'yung naalala ka lang niya ay okay na yon, eh tumulong pa siya maraming salamat," dagdag ni Ate Gay na inaming naapektuhan siya sa mga banat ng basher.
 
May pakiusap din si Ate Gay sa mga kritiko o basher.

"Sa mga basher matuto kayong sumagot ng malumanay para naman napapakinggan 'yung mga hinaing niyo rin sa buhay. Matuto kayong sumagot ng magandang pananalita. Paano kayo sasagutin ng maayos kung ang pagsasalita niyo ay hindi maayos. Hindi naman ako nakikialam sa mga opinyon niyo, huwag niyo rin pakiaalaman ang opinyon ko. Ang mali ko lang kasi parang nagmando ako na idi-delete ko ang mga ganito," kuwento ng komedyante.

Naging sunod-sunod ang banat ng kritiko kay Ate Gay dahil sa post niya tungkol sa mga nagrereklamo sa gobyerno.

Matatandaang Abril nang ibahagi ni Ate Gay sa kanyang mga tagahanga ang kanyang paggaling mula sa karamdaman.

Related videos:

Watch more on iWantTFC
Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.