Coco Martin paano nga ba tatapusin ang kuwento ng 'Probinsyano'?

ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2018 04:02 PM

MAYNILA -- Idinaan na lang sa tawa ng Kapamilya actor na si Coco Martin nang tanongin siya kung paano nga ba niya tatapusin ang teleseryeng "Ang Probinsyano."

Tatlong taon nang umeere ang programa at patuloy pa rin ang pamamayagpag nito sa ratings.

“Honestly 'yun ang hindi ko po alam e. Kasi sabi ko hangga’t may kuwento, hangga’t gusto ng mga Pilipino, andiyan pa din po ang 'Ang Probinsyano.’ Matanda na si Cardo!” pahayag ni Coco nitong Martes sa pictorial ng “Jak Em Popoy: The Puliscredibles.”

Ayon pa sa writer, director at bida ng programa, hindi biro ang proseso ng pagbuo ng mga maiinit na eksena gabi-gabi.

“Lahat ng napapanuod natin, lahat 'yun ay na-shoot kinahapunan lang bago ang airing, kaya ‘yung kaba namin, 'yung nerbyos na sana huwag umulan, sana walang maging aberya and after that pag napanuod mo na, 'yun 'yung fulfilment sa aming lahat,” sabi pa niya.

Inamin din ng aktor na minsan ay nababasa niya ang mga negatibong komento na tila naiinip na sa ending ng programa. 

“Ang malulungkot siguro ako kapag nababasa ko na ‘ano ba 'yan paulit-ulit nalang ang kuwento, bakit hindi pa tapusin’ siyempre 
'yun ang nakakalungkot,” ani Coco.

Ganun pa man, mas prioridad ni Coco ang magbigay pa ng mainit na mge eksena sa "Ang Probinsyano.”

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.