KathNiel nagbigay ng tipid tips ngayong mataas ang presyo ng bilihin

ABS-CBN News

Posted at Sep 11 2018 01:23 PM | Updated as of Sep 11 2018 03:27 PM

MAYNILA — Tamang pag-budget ng kinikita ang isa sa mga napagusapan sa naganap na opening ng KathNails branch sa SM Southmall sa Las Pinas nitong Lunes.

Ayon kay Kathryn, busog siya sa tipid tips na kanyang natutunan sa ina na si Min Bernardo.

“Si Mama grabe siya magpaalala,” kuwento ni Kathryn sa press.

Dagdag pa ng aktres, ramdam din nila ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin gaya ng marami ngayon.

“Basta tamang balanse lang. Hindi mo naman kailangan i-deprive ang sarili mo. Siguro doblehin lang natin ‘yung (pagtitipid). Before buying anything, kailangan mo ba or ganyan, kasi iba ngayon,” sabi pa ni Kathryn.

Nakakalimot man daw minsan sa budget, thankful din daw ang aktres sa pagalalay sa kanila ng kanyang Mommy Min.

“Minsan kailangan din kami paalalahanan ni Mama kasi hindi mo minsan naiisip dahil bata ka,” pahayag pa ni Kathryn.

Ito na ang ika-limang branch ng business venture ni Kathryn kung saan napupunta ang kanyang pinaghirapan sa pagtatrabaho sa showbiz.