PatrolPH

Mag-amang Lito at Mark Lapid, malaki ang pasasalamat sa 'Ang Probinsyano'

ABS-CBN News

Posted at Sep 10 2021 11:52 AM

MAYNILA -- Malaki ang pasasalamat ng senador na si Lito Lapid at anak nitong si Mark Lapid sa pagkakataon na maging bahagi ng "FPJ's Ang Probinsyano," ang sikat na serye ng ABS-CBN na pinagbibidahan ni Coco Martin. 

Sa video na inilabas ng Dreamscape Entertainment nitong Huwebes ng gabi, nakiisa sa pagbibigay suporta ang mag-ama para sa ika-6 na anibersaryo ng serye.

"Malaking-malaking tulong ang nagawa sa akin ng 'Ang Probinsyano' kaya binabati ko kayong lahat, lahat ng cast ng 'Ang Probinsyano' at ang aking leading lady na si General (Diana) Olegario (Angel Aquino)," pagbabahagi ng senador na gumanap bilang si Romulo Dumaguit, ang kumander ng Pulang Araw.

"Happy anniversary! Anim na taon na kayo. Nami-miss ko kayo," dagdag pa nito.
 
Matatandaang, napatay ang karakter ng batikang action star sa serye noong Pebrero 2019.

Watch more News on iWantTFC

Tulad ng kanyang ama, isang miyembro rin ng grupong Pulang Araw ang ginampanan ni Mark. 

"Ako po ay nagpapasalamat at ako ay naging bahagi ng 'FPJ's Ang Probinsyano.' Siyempre higit sa lahat kay direk Coco Martin po sa pagsama sa amin, sa aming dalawang mag-ama," ani Mark.

"Sa mga ka-Probinsyano namin, happy 6th year anniversary po sa inyong lahat! Mabuhay kayo at sana ay patuloy niyong subaybayan ang 'Ang Probinsyano,'" dagdag ni Mark.

Watch more News on iWantTFC

Matatandaang Marso 2019 nang magpaalam ang karakter ni Mark sa serye matapos itong mabaril sa sagupaan ng grupo nila Cardo Dalisay (Martin) at grupo ni Lucas Cabrera (Edu Manzano).

Mapapanood ang bagong yugto ng seryeng "Ang Probinsyano" sa Kapamilya Online Live, Kapamilya Channel, A2Z Channel 11, TV5, CineMo, iWant TFC, TFC, WeTV, at iflix.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.