Estudyante sa Laguna, nanalo ng tricycle dahil sa vlog ni Alex Gonzaga

ABS-CBN News

Posted at Sep 07 2021 05:27 PM | Updated as of Sep 07 2021 09:04 PM

Nagpamigay ng tricycle si Alex Gonzaga sa tulong ni Sec. Art Tugade. Screenshot sa vlog ni Gonzaga at Facebook ni Tugade.
Nagpamigay ng tricycle si Alex Gonzaga sa tulong ni Sec. Art Tugade. Screenshot sa vlog ni Gonzaga at Facebook ni Tugade.

Isang libreng tricycle ang napanalunan ng 12 anyos na si Vincent Sotalbo mula sa Nagcarlan, Laguna matapos mapili sa pa-giveaway sa nakaraang vlog ng aktres at host na si Alex Gonzaga. 

Noong Hulyo 25, inilabas ni Gonzaga ang vlog sa kaniyang pagsakay sa MRT kasama si Department of Transportation Secretary Art Tugade kung saan napag-usapan nila ang pamimigay ng tricycle. 

Nagsimula sa pabirong hirit ng sikat na vlogger kay Tugade ang ideya na pamimigay ng premyo sa netizen. 

Sumang-ayon naman si Tugade sa pamimigay niya ng isang tricycle basta sagutin lamang ng mga nais manalo ang tanong na: “Anong paborito niyong parte ng projects ng DOTR?”

Sa huli, si Sotalbo na nagtapos bilang valedictorian sa Rizal Standard Academy ang napiling bigyan ng tricycle. 

Ayon sa post ni Tugade sa Facebook, noong Hulyo 30 nagpadala ang bata ng kaniyang sagot kung saan sinabi nitong natutuwa umano siya sa pagiging malinis na ng mga pampublikong sasakyan kumpara noon. 

Sinabi rin umano ng consistent scholar na binatilyo na maganda rin na air-conditioned na ang ilang transportasyon at napapatupad pa ang safety protocols sa gitna ng pandemya. 

Kasama sa ipinadalang sagot ni Sotalbo ang kuwento ng pagkasira ng ginagamit na pampasada ng kaniyang ama kaya hindi na umano nila ito napapakinabangan. 

Hindi rin aniya nila ito maipagawa dahil sapat lamang ang kanilang pera para sa pang matrikula ng kapatid na papasok na sa kolehiyo.

Noong Hulyo, pumalo na sa 1 bilyong views ang mga video ni Gonzaga sa YouTube channel nito kasabay nang pagkakaroon ng 11 million subscribers. 

Related video: 

Watch more on iWantTFC
Watch more on iWantTFC