Paano nga ba naging close sina Paulo Avelino at Jake Cuenca?

ABS-CBN News

Posted at Sep 07 2018 11:41 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

 

MANILA -- Nagbalik-tanaw sina Paulo Avelino at Jake Cuenca kung paano nagsimula ang kanilang pagkakaibigan.

Sa "Magandang Buhay" nitong Biyernes, sinabi ni Jake na ang pagkakapareho nila ni Paulo pagdating sa trabaho ang mas nagbuklod sa kanila bilang magkaibigan.

"Kasi pareho kaming passionate sa trabaho, sa pag-acting. Doon nabuo 'yung friendship namin kasi parehas naming shini-share ang pagmamahal namin sa craft namin," ani Jake na dati ring ikinukumpara kay Paulo pagdating sa pag-arte.

Pag-amin ng dalawa, kahit nagkikita na sila noon ay hindi naman sila nag-uusap.

Ani Paulo, nagsimula silang maging malapit sa isa't isa nang pumunta sila sa Singapore para sa "ASAP."

"Actually noong bagong pasok ako ng ABS-CBN, hindi kami nag-uusap. Parang nag-usap lang kami at nakapag-bonding kami noong may 'ASAP' Singapore. Doon na nakapag-usap," kuwento niya.

Ayon kay Jake, ang pagkakaiba rin ng kanilang personalidad ang nagdala sa kanilang samahan.

"Opposite kami. Si Pau introvert, ako mas ano, baliktad (extrovert). Pero ang nangyari sa amin, kahit opposite kami ay naging mag-bestfriend kami kasi parehas kaming totoo lang. Una kaming nagkakilala, very honest kami sa isa't isa tapos naging best friends kami," ani Jake na kapitbahay lang din si Paulo.

Matatandaang nagkasama na rin ang dalawa sa pelikulang "Status: It's Complicated."

Nang matanong kung mas lumalalim ang kanilang pagkakaibigan dahil sa kani-kanilang "complicated" na love life, sagot ni Paulo: "Actually never nagsasabay kasi. Kasi kapag may girlfriend si Jake, single ako. Kapag mayroon ako, single siya... Never nag-double date." 
 
Matapos ang mga pinagdaanang pagsubok bilang magkaibigan, masaya ang dalawa para sa kani-kanilang tagumpay.

"Ako sobra akong saya for him, nakikita ko na mas balanse lahat, everything just fell into the right place for him. As a friend, sobrang saya ko para sa kanya," ani Jake kay Paulo na sinabing "relax" lang ang lagay ng kanyang puso.

Bumisita si Jake sa "Magandang Buhay" para sorpresahin si Paulo, bida ng pelikulang "Goyo: Ang Batang Heneral" na palabas na ngayon sa mga sinehan. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.