PatrolPH

BALIKAN: Buhay, tagumpay ni Pinoy 'vlogging pioneer' Lloyd Cadena

ABS-CBN News

Posted at Sep 05 2020 06:55 PM | Updated as of Sep 05 2020 10:23 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA (UPDATE) - Isa si Lloyd Cadena sa mga tinatawag na "original" sa mundo ng vlogging, bago pa man ito pumatok sa video streaming platform na YouTube. 

Estudyante pa lang siya sa Colegio De San Juan De Letran nang magsimulang mag-vlog at dito nagsimulang pumatok ang kaniyang mga video.

Umabot sa mahigit 8 milyon ang combined subscribers ang kaniyang YouTube channels. 

Karamihan sa kaniyang videos ay nakakatawa, nakakaaliw, may aral at talagang pinaghirapan. 

Tampok din ang mga vlog kung saan napauwi niya ang ina sa Pilipinas matapos mag-overseas Filipino worker ng dalawang dekada at tinulungang maitaguyod ang kanilang pamilya. 

Taong 2017 nang maipahiram niya ang kaniyang talento sa pagpapatawa sa radyo nang maging DJ sa Love Radio. 

Nagkaroon din siya ng libro na pinamagatang "Ex-Rated." 

Nakatanggap din siya ng ilang pagkilala gaya ng Gold Play Button award mula sa YouTube. At gaya ng parangal, ginto rin ang puso ni Cadena sa pagtulong. 

Pinang-grocery niya ang mga bata at kapitbahay at namigay ng mga school supplies. 

Namahagi rin siya ng ayuda sa mga nasalanta sa pagputok ng bulkang Taal. 


At ilang linggo bago ang kaniyang pagpanaw, namigay siya ng gadgets para sa pag-aaral ng mga bata ngayong pandemya. 

Kaya ganoon na lang kabigat para sa kaniyang mga kaibigan at tagahanga ang bigla niyang pagpanaw. 

Bumuhos din ang pakikiramay nang maibalitang pumanaw na si Cadena noong Biyernes.

Maging ang celebrity at iniidolo ni Cadena na si Mariah Carey ay nakiramay sa mga naulila niya. 

-- Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.