Miss World Philippines Laura Lehmann, naghahanda na para sa pageant sa China

ABS-CBN News

Posted at Sep 05 2017 12:43 AM | Updated as of Sep 05 2017 02:47 AM

Naghahanda na ang dating ABS-CBN UAAP courtside reporter na si Laura Lehmann bilang kinatawan ng bansa sa darating na Miss World pageant.

Tinalo ni Lehmann ang 34 iba pang kandidato noong coronation night ng Miss World Philippines nitong Linggo, Setyembre 3.

Sa Nobyembre nakatakdang sumabak si Lehmann sa Miss World pageant sa Sanya, China.

Kabilang naman sa mga nagsipagwagi sa Miss World Philippines ang anak nina Joey Marquez at Alma Moreno na si Wynwyn Marquez bilang Miss Hispanoamericana Filipinas, Cynthia Tomalla bilang Miss Eco Philippines at Sophia Senoron bilang Miss Multinational.

Itinanghal naman bilang 1st Princess si Glyssa Perez at 2nd Princess si Zara Carbonell.

Mr. & Ms. Chinatown

Tampok naman ang mga kinatawan ng Filipino-Chinese community sa 2017 Mister and Miss Chinatown.

Wagi sa nasabing pageant ang dating sundalo sa Amerika na si Jacob Muñez at ang taga-Davao na si Joy Wu.

Idinaos ang coronation ceremony nitong Biyernes, Setyembre 1.

-- Ulat ni Mario Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.