PatrolPH

Gloc-9, naglabas ng bagong awitin na 'Bente Quatro'

ABS-CBN News

Posted at Sep 03 2021 02:59 PM

MAYNILA -- Para sa pagdiriwang ng kanyang ika-24 taon sa industriya, isang bagong awitin ang inilabas ni Gloc-9 na may pamagat na "Bente Quatro."

Ibinahagi ni Gloc-9 ang opisyal na audio recording nito sa kanyang YouTube page nito lamang Huwebes.

"May nagtanong sa akin: 24 years ka nang nagra-rap Gloc!!! Ano pang masasabi mo?! Ako: eto!" sulat ni Gloc-9 sa Instagram bago ibahagi ang link ng pinabago niyang awitin.

Watch more on iWantTFC

Ang "Bente Quatro" ay tila sumasalamin sa kuwento ng buhay at karera ni Gloc-9 na hindi sumuko na ilaban ang pangarap at pagmamahal sa klase ng musikang kanyang pinili.

Bumuhos naman ang papuri at pagbati ng mga tagahanga ni Gloc-9 para sa higit dalawang dekada niyang karera. 

Isa si Gloc-9 o Aristotle Pollisco sa totoong buhay sa kinikilalang rapper sa bansa. 

Matatandaang dekada '90 nang magsimula ang karera sa pagra-rap ni Gloc-9 nang maging bahagi siya ng Death Threat. 

Siya ang nagpasikat ng mga awiting "Lando," Sirena," "Simpleng Tao" at "Upuan."

Noong 2003 nang ilabas ng Star Music ang album ni Gloc-9 na "G9." Sinundan ito ng "Ako Si..." noong 2005. Noong 2016, sa ilalim ng Star Music ay inilabas ni Gloc-9 ang kanyang album na "Sukli."

Sa pamamagitan naman ng kanyang YouTube page, sunod-sunod ang paglabas ng mga bagong awitin ni Gloc-9, kabilang dito kanyang album na "Poot at Pag-Ibig" na inilabas niya nito lamang Pebrero. 

Related video:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.