PatrolPH

Pokwang, emosyonal sa kanyang mensahe sa mga natanggal na empleyado ng Star Magic

ABS-CBN News

Posted at Sep 03 2020 01:11 PM

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by thessgubi (@thessgubi) on

MAYNILA -- Hindi napigilan ni Pokwang ang umiyak sa kanyang mensahe sa mga empleyado ng Star Magic na kasama sa mga manggagawa ng ABS-CBN na nawalan ng trabaho matapos hindi mabigyan ng bagong prangkisa ang Kapamilya network.

Walang tigil ang pagluha ni Pokwang sa pasasalamat sa lahat ng mga nakasama niya sa Star Magic.

"Kung anuman itong mga dagok na dumating sa atin, mawawala rin 'yan. Kumbaga makakaahon din," bungad na pahayag ni Pokwang sa video na inilabas ni Thess Gubi, isa sa executive ng Star Magic, sa Instagram.

"Hayaan niyo munang matulog ang higante dahil kapag nagising 'yan napakalawak nang aanihing tagumpay niyan," dagdag ni Pokwang.

Habang nagpapahid ng mga luha, aminado si Pokwang na hindi madali ang magbigay ng mensahe dahil batid niya ang sakit na nararamdaman ng mga nawalan ng trabaho.

"Gusto ko lang malaman niyo na nandito lang si Mamang kung anuman ang kailangan niyo sa akin, kung ano ang maitutulong ko, 'wag kayong mahiyang magsabi. Hanggang kaya ko ay tutulungan ko kayo," ani Pokwang na hindi rin nakalimot na pasalamatan ang kanyang talent handler.

Naniniwala pa rin si Pokwang na matatapos din ang pagsubok at muli niyang makikita ang mga nakasama sa Star Magic.

"Magkikita-kita tayo muli. I love you all," ani Pokwang.

Ayon kay Gubi, Enero nitong taon nang magpaalam sa ABS-CBN si Pokwang matapos ang 16 na taon na pagiging Kapamilya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.